ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Lovi Poe at Grace Poe-Llamanzares, nagkasama sa MMFF press con


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa pambihirang pagkakataon, nagkasama sa isang pagtitipon ang dalawang anak na babae ng yumaong si Fernando Poe Jr. na sina Lovi Poe at Chairperson Grace Poe-Llamanzares ng Movie and Television Review and Classification Board. Ayon kay showbiz reporter Lhar Santiago, nangyari ang pambihirang pagkakataon sa star studded press conference ng 2011 Metro Manila Film Festival (MMFF) na ginanap nitong Martes. Kabilang sa mga artistang dumating ay sina Sen Bong Revilla ng Ang Panday 2; Maricel Soriano at Gabby Concepcion ng Yesterday, Today, Tomorrow; at Gov ER Ejercito ng Manila Kingpin: Asiong Salonga story. Nandoon din sina Jerico Rosales, Leo Martinez, Dennis Padilla, Baron Geisler, Giselle Sanchez, at mag-inang Survivor Philippines castaways na sina Ma Isabel Lopez at Mara. Sa naturang okasyon, nagkasama at magkatabing nagpakuha ng larawan ang magkapatid sa ama na sina Lovi at Grace. Sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Miyerkules, sinabi ni Lovi na masaya siya na nakita at nakausap ang kanyang kapatid. “I feel so good, I mean wala namang issue," pahayag ng Kapuso star. “Its nice that even in this places… at least everyone sees na there’s nothing wrong." Nagkita rin sa nasabing okasyon sina Gov Ejercito at producer ng Regal Films na si Mother Lily Monteverde. Nagkaroon ng isyu kina Gov Ejercito at Mother Lily dahil hindi raw pinayagan ng lady producer na magpromote si Carla Abellana ng Kingpin, kunsaan siya ang leading lady ng gobernador. Ayon kay Ejercito, nagkausap na sila ni Mother Lily at naiintindihan niya ang lahat. Kaya naman ang gobernador mismo ang lumapit at bumati sa producer. Inaasahan naman ng Metro Manila Development Authority na organizer ng MMFF na makakamit nila ang target na kita sa mga kalahok na pelikula na aabot sa P600 milyon. - FRJ, GMA News