Mga lugar na kukunan ng eksena ng Bourne Legacy sa Metro Manila, inaayos na
Nasa Pilipinas na umano ang director of photography at head cameraman ng Hollywood film na Bourne Legacy, na patunay na tuloy-tuloy ang shooting ng sikat na film franchise sa bansa. Sa Star Bites ng GMA News TV Balitanghali nitong Biyernes, sinabi ni Atty Francis Tolentino, chairman ng Metro Manila Development Authority, na nirerepaso na nila ang mga lugar na pagdadausan ng shooting sa Metro Manila para maibsan ang pinangangambahang pagsikip ng daloy ng trapiko. “Ang wino-worry po ng iba na magkaka-trapik, yun po ang gagawan namin ng paraan. Kaunti lang naman pong area na magkakaroon ng kaunting pangangailangan ng crowd control. Pipilitin po natin maayos ang daloy ng trapiko habang kinukunan ang Bourne Legacy," pahayag ni Tolentino nang makapanayam sa telepono. Ipinaalam naman ng isang tauhan ng public information office (PIO) ng MMDA na wala pa silang abiso sa mga eksaktong kalye at takdang oras na pagdadausan ng shooting ng Bourne Legacy sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila. Sa panayam sa telepono ng GMA News Online, inihayag ng tauhan ng MMDA na posibleng sa susunod na linggo pa malalaman kung kailan talaga magsisimula ang shooting ng ika-apat na bahagi ng Bourne franchise na pagbibidahan ngayon ni Jeremy Renner. Ilan sa mga lugar na pagdarausan ng shooting ay sa Intramuros, Jones Bridge, Recto, Navotas Fish Port, San Andres Bukid, Marikina Market, Pasay/Taft Rotonda, at Palawan. Inaprubahan na rin umano ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang permit para isagawa ang shooting sa San Andres St (January 11 -15); J. Bocobo St corner Remedios Circle (January 18 -19); Leveriza Street (January 15); San Andres St corner Quirino at Taft Avenues (January 14); Riverside Road, Real at Sta. Lucia Sts sa Intramuros (January 25, at February 17 -18; Jones Bridge (February 5); at R. Magsaysay Boulevard (February 8 -15). Samantala, sinabi naman ni Tolentino sa Star Bites na maraming hindi totoo na kumakalat sa Internet tungkol sa gagawing shooting ng Bourne gaya ng napabalitang paghahanap ng mga extra sa nabanggit na pelikula. “Maraming enterprising na kababayan tayo na nagrerecruit sa Internet, hindi po totoo lahat ‘yan. At yun din po na kumakalat na balita na na-cancel na pa yung filming , hindi po totoo ‘yan. Green and go na po sila. Malapit na malapit na po," anang opisyal. Paglilinaw naman daw Philippine counterpart sa production ng pelikula, may tao silang nakatoka para sa casting at mga extra. Taliwas din sa mga kumalat ng impormasyon sa Internet nitong Huwebes na nasa Pilipinas na si Jeremy, lumabas ang balita nitong Biyernes na nasangkot sa gulo sa isang bar sa Thailand si Jeremy kunsaan bahagya itong nasugatan. Pero tiniyak ng kampo ng Hollywood actor na maayos ang lagay pero hindi naman nabanggit kung nasa Thailand pa rin ang Bourne lead star. - FRJimenez, GMA News