Bagong child discovery na si Roseanne, umaasang mahahango niya sa kahirapan ang pamilya
Sa murang edad, mulat na sa kahirapan ang bagong tuklas na Kapuso child star na si Roseanne na tiyak na mamahalin ng mga manonood sa pinakabagong primetime soap ng GMA 7 na, Biritera. Sa press launch na ginanap kamakailan, tinutukan ni showbiz reporter Cata Tibayan ang pagpapakilala sa cast members ng Biritera. Kabilang dito sina Dennis Trillo, Glaiza De Castro, Heart Evangelista, at Angelika dela Cruz. Bukod naman kay Roseanne, kasama rin sa Biritera ang mga batang sina Sweet Ramos at si Nomer Limatog. Sa isang number nila ni Dennis, hindi napigilan ni Roseanne na mapaluha nang awitin nila ang “Maghintay Ka Lamang." “Napi-feel ko po yung kanta na naiisip ko po yung pamilya ko maaahon ko na sa hirap," pahayag ni Roseanne sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Martes. “’Pag wala po kaming pagkain… siguro po magtitiis tapos matutulog hanggang sa magising ng umaga, ‘pag wala pa rin pong pagkain mangungutang po," dagdag ng bata. Si Roseanne ang mapalad na napili sa maraming batang nag-audition para sa Biritera. Bukod sa magandang tinig, mahusay din siyang umarte na tiyak na magpapaantig sa damdamin ng mga manonood. Ayon kay Roseanne, inspirasyon niya sa pagkanta ang kanyang idolo na si Regine Velasquez na hinahangad niyang makita ng personal. Mapapanood ang Biritera simula sa Lunes, February 6. – FRJimenez, GMA News