Filtered By: Showbiz
Showbiz

After annulment: Adoption kay ‘Bimby,’ pinag-aaralan nina Kris Aquino at James Yap


Matapos mapawalang-bisa ang kasal nina Kris Aquino at James Yap, naging illegitimate child na umano ang anak nilang si Bimby o Baby James. Dahil dito, sinabi ni James sa panayam ni showbiz reporter Aubrey Carampel, na pinag-uusapan na nila ni Kris ang gagawing hakbang upang hiwalay nilang ma-ampon o ma-adopt ang sarili nilang anak. “Sinabi ko nga kay Kris, ‘i-adopt mo si Baby James, legitimate siya sa’yo. Pagdating sa sa’kin illegitimate,’" paliwanag ng basketball player sa Star Bites ng Balitanghali nitong Biyernes. Pero pangamba ni James: “Baka naman pagdating ng panahon, paglaki ni Baby James baka tanungin ako, baka sabihin, ‘bakit hindi mo ‘ko inadopt?' Ano isasagot ko n’yan? So, ‘yon yung mga pag-uusapan namin ni Kris talaga na sana maintidhan niya yung ganun." Pinawalang bisa ng korte ang kasal nina Kris at James dahil sa batayan na walang awtoridad ang taong nagkasal sa kanila sa simula’t simula kaya lumilitaw na illegitimate child si Baby James. Pero kahit hindi na mag-asawa, sinabi ni James na maganda ang pagsasama nila ni Kris ngayon bilang magkaibigan. Katunayan, si Kris pa umano ang tumawag sa kanya at bumati para ipaalam na pareho na silang “single." “Nung malaman tumawag agad sa’ken sinabi niya congrats… single na tayo," natatawang kwento ni James. “Ang sinabi ko, o congrats din, happy ka? Sabi niya, ‘very happy.’" Idinagdag ni James na nagpapakita pa rin ng pag-aalala sa kanya si Kris gaya ng lumabas sa feng shui na malas daw siya ngayong taon kaya pinapapunta siya sa Cebu. Ngayong single na, sinabi ni James na wala siyang balak na magpakasal kaagad sa iba. Wala rin daw siyang ka-date sa Feb 14, na nagtaon na kaarawan ni Kris. Posibleng sa bahay lang daw siya sa araw ng mga puso, at sa basketball court naman niya ipagdiriwang ang kanyang kaarawan sa sumunod na araw (Feb 15) dahil may laban ang kanyang team. Tumanggi naman si James na sabihin sa harap ng camera ang birthday wish niya kay Kris at sa halip ay personal na lang daw niya itong sasabihin sa kanyang ex-wife. -- FRJimenez, GMA News

LOADING CONTENT