Celebrity doc Manny Calayan, nakauwi na; kasong kinaharap sa US, nilinaw
Kasabay ng kanyang pagbabalik sa Pilipinas, nilinaw ng celebrity doctor na si Manny Calayan ang kasong kinasangkutan ng kanyang negosyo sa America. Sa panayam ni showbiz reporter Lhar Santiago, itinanggi ni Doc Manny na nakulong sila ng kanyang misis na si Dra Pie Calayan, o nahatulan ng probation ng US court dahil sa alegasyon ng pagpa-practice ng kanilang propesyon sa kanilang klinika sa Beverly Hill, California nang walang kaukulang lisensiya. Ayon kay Doc Manny, hindi sila ni Dra Pie ang nagkaproblema kundi ang isa nilang empleyado na nagpapractice sa labas ng kanilang klinika. “Kami ho ay nandito, hindi ho kami nagsara, hindi ho kami nag-shutdown, wala hong naaresto, walang problemang nangyari except na matatawag ko itong frame-up and it’s a black propaganda to destroy us," pahayag ni Doc Manny sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Martes. Iginiit niya na ang larawan nila na lumabas sa pahayagan na nagpapractice ng kanilang propesyon ay kuha sa Pilipinas at hindi sa ibang bansa. Nagpapasalamat siya na natapos na ang naturang isyu at pinawalang-sala umano sila ng korte sa US. “Sinabi namin sa korte na hindi kami yun and napatunayan naman ng korte na hindi nga kami ‘yon, so binigyan nila ng probation yung employee," dagdag ni Manny. Gayunman, babalik pa raw sa korte sa US sina Manny para naman harapin ang kasong isinampa nila sa isa nilang tauhan na pinaniniwalaan nilang nasa likod umano ng paninira sa kanila. - FRJimenez, GMA News