Angelicopter, umaasang magkakaayos pa rin sila ni Grace Lee
Pinag-uusapan muli ang Kapuso host na si Grace Lee. Ngunit hindi tungkol sa romantikong pagkakaugnay niya kay Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, kundi dahil sa pagkakaalis sa trabaho ng kapwa DJ niya sa FM radio station na si Angelica “Angelicopter" Schmeing-Cruz. Sa taped telephone interview na ipinalabas sa showbiz talkshow Startalk nitong Sabado, naniniwala si Angelica, ex-castaway ng Survivor Philippines: Celebrity Doubles Showdown, na si Grace ang dahilan kaya siya natanggal sa Magic 89.9. “Kasi nung mga bandang December pa yun nagkaroon kami nang hindi pagkakaunawaan ni Grace Lee over a certain episode," kwento ni Angelica. “Nag-overlap yung mga guesting medyo nagkagulo. Kumbaga hindi nagustuhan ni Grace Lee yung outcome kung paano ma-handle yun guesting and maintindihan ko kung bakit siya disappoint." Ayon kay Angelica, gumawa siya ng paraan para magkaayos sila ni Grace alinsunod na rin umano sa utos ng kanilang boss sa radio station. Gayunman, tila wala umanong balak na makipagkasundo na sa kanya ang Kapuso host. Inalis umano siya ni Grace sa list ng Facebook, Twitter at Blackberry messaging nito. “Talagang kinu-close niya yung doors for communication. So nagbitaw siya ng mga salita na hindi na siya magtatrabaho kung ako ang makakatrabaho niya. Verbatim she said she’ll quit if I go to work," pahayag ni Angelica. Pero paliwanag ng radio station manager na si Andrew Santiago, hindi ang away nila ni Grace ang dahilan kaya inalis sa trabaho si Angelica. Iginiit ni Santiago na mayroon pang dating usapin tungkol kay Angelica at desisyon ng pamunuan ng radio station na alisin na siya. Nananatili namang tahimik si Grace tungkol sa isyu pero ang kanyang manager na si Arnold Vegafria ang nagbigay ng pahayag tungkol dito. Ipinagtataka ni Arnold kung bakit ngayon lang nagsasalita si Angelica at iginiit na walang kontrol si Grace sa pamamahala sa naturang radio station. Sa kabila nito, umaasa pa rin si Angelica na magkakaayos sila ni Grace. “Sana hindi mangyari sa’yo yung nangyari sa akin... Alam yun ni Grace, alam niya na lagi ko sinasabi sa kanya, ‘Grace you can talk to me anytime. I can take it,’" dagdag ni Angelica. - FRJimenez, GMA News