Al Galang kay Dra Vicki Belo: ‘She’s the perfect girl.’
Nanindigan ang Yoga teacher na si Al Galang na magkaibigan lang sila ni Dra Vicki Belo. Gayunman, inilarawan ng 28-anyos na binata na “perfect girl" para sa kanya ang kontrobersiyal na celebrity doctor. Sa panayam ni Butch Francisco, host ng Startalk nitong Sabado, inamin ni Al na sumama ang loob niya nang madawit ang pangalan niya sa break-up nina Dra Vicki at Hayden Kho Jr. Si Hayden ang unang nagdawit sa pangalan ni Al na pinaghinalaan niyang bagong karelasyon ni Vicki. Pero kalaunan ay binawi rin niya ang akusasyon. Kinumpirma naman ni Al na nagkausap na sila ni Hayden tungkol sa isyu pero hindi umano ito humingi ng paumanhin sa kanya. Sinabi ni Al na malaki ang paghanga niya kay Vicki pero iginiit niya na mabuting magkaibigan lang sila. Bagaman may pagkakataon na nagkakatuksuhan, inihayag ng binata na biruan lamang ito na paraan para pasayahin nila ang isa’t isa. “Vicki is a flirty person. We make jokes on each other, we make each other laugh," ayon kay Al. Nang tanungin kung may posibilidad na mahulog ang loob niya kay Vicki, sagot ni Al: “She’s the perfect girl. She’s beautiful. She’s smart. She got a wonderful personality and she has magnetism about her. All things consider, she’s very attractive." Bagaman malaya ngayon si Dra Vicki para umibig, hindi naman masabi ni Al kung hahantong sa higit pa sa pagkakaibigan ang kanilang samahan ng celebrity doctor. “We'll cross the bridge when we get there," ayon kay Al. - FRJ, GMA News