Maricel Soriano at dating mga kasambahay, nagkaayos na
Nagkaayos na sina Maricel Soriano at dalawa nitong dating kasambahay na nag-akusa sa aktres ng pang-aabuso noong nakaraang taon. Sa Chika Minute ng GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing natapos sa mapayapang pag-uusap ang sigalot ni Maricel sa kanyang mga dating kasambahay na sina May Cachuela at Camille Acojedo. Unang pumutok ang umano’y pananakit at hindi pagpapasahod ni Maricel sa dalawang kasambahay noong Hulyo 2011. Umabot sa piskalya ang usapin matapos hindi maresolba sa barangay ang problema. Sinabi sa ulat ng Chika Minute na nagkasundo ang magkabilang partido na tapusin na lamang sa mapayapang paraan ang nangyaring hidwaan na umano’y bunga ng bugso ng kani-kanilang damdamin. Una rito, inireklamo ng dalawa ang tinaguriang "Diamond star" ng kasong grave threat, unjust vexation, slander, oral defamation at physical injuries. Sa isa namang ulat noong Oktubre 2011, lumitaw na bagaman inamin umano ni Maricel na napagsalitaan niya ang mga kasambahay, itinanggi niya na sinaktan niya ang mga ito. -- FRJ, GMA News