Janelle Manahan, emosyonal nang balikan ang bahay ng nobyong si Ramgen Revilla
Hindi umano napigilan ni Janelle Manahan na maging emosyonal nang balikan sa unang pagkakataon ang bahay ng pinaslang na nobyo na si Ramgen Revilla sa Paranaque. Sa ulat ni GMA News reporter Susan Enriquez sa 24 Oras nitong Martes, sinabing muling binalikan ni Janelle ang bahay ni Ramgen bilang bahagi nang isinasagawang pagdinig ng korte sa kaso ng pinaslang na nobyo. Si Ramgen ay pinatay sa kanyang bahay sa Paranaque noong Oktubre 2011, habang malubhang nasugatan naman si Janelle. Pangunahing akusado sa krimen ang mismong mga kapatid ni Ramgen na sina Mara at RJ Bautista, mga anak ni dating Senador Ramon Revilla Sr. Bagaman hindi na nakatira sa naturang bahay ang pamilya ni Ramgen mula nang mapaslang ito, mababakas pa rin ang naganap na trahedya sa lugar dahil sa mga bakas ng dugo. Kabilang na dito ang bakas ng dugo sa sofa na posible umanong nahawakan ni Ramgen, ayon kay Janelle. Gayunman, hindi natuloy ang isasagawa sanang ocular inspection kasama si Paranaque RTC Judge Fortunito Madrona dahil hindi nakadalo ang panig ang mga akusado. Ipinagpaliban ang pag-inspeksiyon sa bahay sa Abril 17. - FRJ, GMA News