ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Joey de Leon, ipinaliwanag kung bakit 'di siya nakasama sa Eat Bulaga show sa US


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

May halo mang biro, ipinaliwanag ni Joey de Leon ang dahilan kung bakit hindi siya nakasama ng dabarkads nang mag-show ang Eat Bulaga sa California, USA kamakailan. Sa Startalk TX nitong Sabado, sinabi ni Joey na umabot daw sa Washington DC ang pagberipika sa kanyang pangalan, kaugnay sa aplikasyon niya na makakuha ng working visa. Bukod kay Joey, hindi rin nakasama sa US show ng Eat Bulaga sina Jimmy Santos, Ryan Agoncillo at si Pia Guanio, na nagdadalang tao. Sa nakaraang panayam kay Allan K, na nakasama sa US, sinabi nito na nagkaroon ng problema ang pangalan ni Joey nang sumalang sa embassy para sa working visa dahil marami itong mga kapangalan at ang ilan ay tila terorsita pa. Kinumpirma ni Joey ang naging problema sa dami ng kanyang kapangalan pero hindi siya siguro tungkol sa kapangalang terorista. “Hindi ako terorista… errorista lang," biro ni Joey. “Baka may nagwo-work na kapangalan namin, yun ang iniimbestigahan." Binigyan-diin naman ni Joey sa kanyang mga co-host sa Startalk na iginagalang niya ang desisyon at batas ng US. Pero nagtataka rin naman ang tinaguriang entertainment guru ng Philippines showbiz sa pangyayari dahil ilang beses na rin naman daw siyang nakapunta at nakapag-show sa US. Sabay paglilinaw nito na iba ang tourist visa na madalas niyang gamit kapag nagpupunta sa Amerika, kaysa sa working visa na kailangan din kapag magtatanghal sa nabanggit na bansa. Okey na rin umano na hindi siya nakasama sa naturang trip dahil kaarawan din naman ng kanyang ina nung araw na nag-show ang Eat Bulaga sa US. Na-miss lang daw niya ang dabarkads nang maiwan siya ng grupo. Kasama si Willie Revillame Samantala, ipinaalam din ni Joey na hindi man siya natuloy sa US kasama ang dabarkads, pupunta siya sa nabanggit na bansa kasama ang television host na si Willie Revillame. Biro ni Joey sa kanyang mga co-host sa Startalk, siya ang magiging alalay ni Willie sa US. Dating nagkaroon ng iringan sina Joey at Willie na kapwa nagpapasaringan pa sa kanilang mga tv show. Pero naayos ito nang magkita umano ang dalawa sa isang pagtitipon. -- FRJimenez, GMA News

Tags: joeydeleon