Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kilalanin ang dakilang tagasuporta ni ‘Boy Pick-up’ na si Eri Neeman, aka 'Boy Back-up'


Sino ang mag-aakala na ang dakilang tagasuporta ni “Boy Pick-up," na si Eri Neeman – aka “Boy Back-up" – ang nasa likod ng konsepto ng “battle of pick-up lines" na patok na segment ngayon ng Bubble Gang. Sa Showbiz Exclusive ng GMA News TV nitong Biyernes, inusisa kung sino nga ba si Eri na madalas na nagbibigay ng suporta kay Boy Pick-up na ginagampanan ni Ogie Alcasid. Ayon mismo kay Eri, six years ago nang magsimula siya sa showbiz bilang host at pagkatapos ay naging standup comedian. Nang mag-audition at makapasa sa Bubble Gang, nagsimula muna siyang writer at pagkalipas ng ilang linggo ay ginawa na siyang talent. Ipinaalam umano ni Eri kay Ogie ang kanyang idea na magkaroon ng segment na labanan ng pick-up lines sa Bubble Gang na nagustuhan naman ng huli. Si Ogie naman ang nakaisip ng karakter niya bilang si “Boy Pick-up." “Okey ‘yan," pag-alala ni Eri sa naging reaksiyon ni Ogie. “Pero siguro maganda kung meron champion hindi natatalo pangalan niya Boy Pick-up na malabo ang sinasabi." At papaano naman kaya nabuo ang karakter ni Boy Back-up? “Nagrerehears lang kami tapos kinukwento ko ano mangyayari kasi kailangan may mag-react (pagkatapos ng delivery ng pickup line) sumigaw lang ako, ‘lupit mo Pick-up!’ Tawanan, so yun ginawa lang sa shoot," ayon kay Eri. Mula sa telebisyon, malapit nang mapanood sa mga sinehan ang tropa ng naturang segment ng Bubble Gang sa ginagawang pelikula na Boy Pick-up, The Movie. -- FRJimenez, GMA News