Filtered By: Showbiz
Showbiz

Roxanne Guinoo, certified Kapuso na


Kapuso na ang nagbabalik showbiz na si Roxanne Guinoo na ilang taong nawala sa sirkulasyon matapos mabuntis at magpakasal sa kanyang non-showbiz boyfriend. Sa story conference ng bagong family-drama serye sa GMA 7, pormal na ipinakilala si Roxanne sa kanyang mga makakasama sa Daddy Dearest, na kinabibilangan ni Ogie Alcasid. Sa panayam ni showbiz reporter Nelson Canlas, sinabi ni Roxanne na excited siya sa kanyang bagong tahanan at mga bagong makakatrabaho. “Masayang masaya, ibang grupo, ibang klaseng work. I think light comedy po yata ‘to (Daddy Dearest). Dito sa GMA first time kong makakatrabaho ang yung mga Kapuso stars po, so exciting," pahayag ng magandang aktres sa Chika Minute ng GMA new 24 Oras nitong Miyerkules. Taong 2010 nang mapabalitang nagdadalang-tao si Roxanne. Sa sumunod na taon naman ay ikinasal na sila ng kanyang Filipino-Chinese boyfriend. Nagpapasalamat si Roxanne sa kanyang mister dahil very supportive ito sa kanyang career. At ngayong malaki na ang kanilang baby, nagdesisyon na siyang magbalik sa showbiz. Pero paliwanag ng aktres, magiging mapili siya sa proyekto dahil nais niyang ikatutuwa ito ng kanyang baby at family. Sinabi ni Roxanne na magkakaroon din siya ng kaunting limitasyon sa mga proyekto. Hindi na umano aakma sa kanya ang sobrang pagpapasexy o daring role. - FRJImenez, GMA News