Mommy Dionisia, piniling makasama ang mga kaibigan at kamag-anak sa kanyang 63rd bday celebration
Hindi katulad ng nakaraan niyang kaarawan na may malalaking personalidad na imbitado, mas pinili raw ni Mommy Dionisia na makasama sa kanyang 63rd birthday ang mga kamag-anak at malalapit na kaibigan. Ayon sa ulat ni GMA News reporter Claire Delfin sa 24 Oras nitong Martes, sinabing umabot sa 800 katao ang naging bisita ni Mommy D sa kanyang kaarawan na ginawa sa Pacman Stadium sa General Santos City. Sinimulan sa misa ang engrandeng selebrasyon ng kaarawan ng ina ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao, na may temang rainbow at Flores de Mayo. Masayang-masaya si Mommy D sa makulay at makintab na gown na ginawa ng isang local designer na inspired sa kulay ng watawat ng Pilipinas. Kung si Manny nga raw ay tinaguriang ‘Pambansang Kamao,’ si Mommy D naman ang ‘Pambansang Ina.’ Sa kanyang kaarawan, labis-labis ang pasasalamat ni Mommy Dionisia sa mga biyaya na kanilang nakamit. “Ang maayos na pamilya at walang problema sa pamilya ko, at lalo na sa akin," hangad niya. Dahil nasa Amerika ngayon si Manny at nag-eensayo para sa darating niyang laban, nagpadala raw ito ng taped message para batiin ang kanyang ina. - FRJ, GMA News