ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Hollywood star Ian Somerhalder, mainit na sinalubong ng Pinoy fans


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Pinagkaguluhan ng Pilipino fans ang model at Hollywood star na si Ian Somerhalder sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nang makarating ito sa bansa nitong Sabado ng gabi.   Ayon sa ulat ni Katrina Son para sa 'Balitanghali' ng GMA News TV nitong Linggo, ilang oras na inabangan ng fans si Somerhalder, na dumating bago mag-alas dose ng hatinggabi. Pinasalamatan naman ng aktor ang naging mainit na pagsalubong sa kanya. "This is a wonderful welcome. I love you guys. I never been here so I'm excited to be here. "The fans sound amazing already," kanyang inihayag.   Mananatili ng isang linggo sa bansa ang aktor upang tapusin ang kanyang proyekto kasama ang lokal na clothing brand na Penshoppe.   Si Somerhalder ang ika-apat na celebrity ng Penshoppe All Stars na dumating sa bansa kasunod ang mga sikat na aktor na sina Ed Westwick, Mario Maurer, at Zac Efron.   Nang tanungin naman kung ano ang nag-udyok sa kanyang pagtanggap bilang endorser ng lokal na brand, sinagot lamang niya: "Are you kidding? A free trip to the Philippines and hang-out in a beach. Why wouldn't I?"   Dagdag niya, ngayong nasa Pilipinas siya, susubukan niya ang ilang pagkaing Pilipino, ayon sa ulat.

  Trending topic   Hindi naman mawari ang pagkasabik ng ilang Pilipino fans sa pagdating ni Somerhalder sa bansa. Sa katunayan, napasama sa top trending topic ang hashtag na "MabuhayIanSomerhalder" sa Philippine Twitterverse noong Sabado.     Ikinatuwa naman ng aktor ang mainit na pagtanggap ng mga Pilipino sa kanya.     Sumikat si Somerhalder sa kanya role bilang Damon Salvatore, sa isang bampira, sa palabas na The Vampire Diaries. Nauna na rin siyang nakilala sa kanyang role sa palabas na Lost.   Kilala rin ang aktor sa kanyang pagiging environmental advocate. Sa katunayan, mayroon siyang IS (Ian Somerhalder) Foundation na kanyang itinayo na lumalayong "to empower, educate and collaborate with people and projects to positively impact the planet and its creatures." — Amanda Fernandez/ELR, GMA News