Jessica Sanchez, aawit sa US Memorial Day
Nakatakdang umawit ang "American Idol" Season 11 runner-up na si Jessica Sanchez sa Memorial Day sa United States of America. Ayon sa ulat ni Mariz Umali sa "Balitanghali," si Jessica ang kakanta sa US National Anthem na Stars-Spangled Banner sa naturang pagdiriwang. Tradisyunal na ipinagdiriwang ang Memorial Day sa Estados Unidos tuwing huling Lunes ng Mayo. Ayon naman sa timeanddate.com, ipinagdirawang ang Memorial upang gunitain at bigyang pagpugay ang mga sundalong pumanaw sa military service para sa United States of America noong American Civil War. Maliban sa national anthem, ipapamalas muli ni Jessica ang kanyang rendtion ng 'The Prayer' na inawit niya sa season finale ng "American Idol." Matatandaang si Philip Philips ang itinanghal na American Idol sa season 11. Magiging bahagi rin siya ng grupong magpe-perform ng number na "God Bless America." Ang awiting "God Bless America" ay isang patriotic song na isinulat ni Irvin Berlin noong 1918 at nirebisa noong 1938. — Mac Macapendeg /LBG, GMA News