Filtered By: Showbiz
Showbiz

Vilma Santos, ‘di tatakbong senador sa 2013 polls; inaming may dollar accounts


Kahit mataas ang ranking sa pinakabagong survey ng mga posibleng maging senatorial aspirants, inihayag ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto na wala siyang planong tumakbong senador sa 2013 elections. Sa panayam ng showbiz press sa tinaguriang “Star for all Season," sinabi nito na nais niyang tapusin ang kanyang termino bilang gobernadora ng Batangas. “Seriously no political ambition. Given a chance I want to finish my third term (as governor) in Batangas. Pero to aim for higher position at this point in time, hindi pa po muna," pahayag ni Ate Vi sa ulat ni Lhar Santiago sa Chika Minute ng 24 Oras nitong Huwebes. Sa pinakabagong survey ng Pulse Asia, nasa 13-21 spot ang pangalan ni Vilma, asawa ni Sen. Ralph Recto. (Basahin: Ilang ‘manok’ ni PNoy sa 2013 Senate race, wala sa ‘magic’ 12 ng bagong Pulse Asia survey) Hindi rin nakaligtas si Ate Vi sa mainit na usapin tungkol sa ari-arian ng mga opisyal ng pamahalaan o ang statement of assets, liabilities and net worth (SALN). Masayang sinabi ng actress turned politician na wala silang problema ni Sen Recto tungkol sa pagdedeklara ng kanilang ari-arian. “In fact kapag naglalagay sila ng pulitiko na nasa top 5 na medyo malalaki ang pera, nakakasama kami ni Ralph. Kasi combine yung pera namin ni Ralph bilang mag-asawa," paliwanag ni Vilma na magdiriwang ng kanyang ika-50 taon sa showbiz. Patuloy pa niya: “Utang na loob nine years old (pa lang) trinabaho ko na ‘yan no. Kung anong mayroon ako, pinaghirapan ko ‘yan." “At totoo, may pera ako," masaya pa niyang pahabol. Hindi rin ikinaila ng batikang aktres na mayroon siyang dollar accounts. "Mayroon akong dollar account," pagtatapat niya. “Sa tinagal-tagal ko ba namang ito hindi ako magkakaroon… meron ako, siguro mga dalawa ‘yon." - FRJimenez, GMA News
Tags: vilmasantos
LOADING CONTENT