ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Bagong Little Miss Philippines, sinurpresa ng dabarkads sa kanyang kaarawan sa Eat Bulaga


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Masayang ipinagdiwang ng bagong Little Miss Philippines na si Ryza Mae Dizon ang kanyang kaarawan kasama ang mga Dabarkads na ginanap sa Eat Bulaga! nitong Martes, Hunyo12.
 
Naging emosyonal at naiyak pa ang batang babae dahil natupad ang hiling nitong spaghetti at pansit para sa kanyang kaarawan.
 
Ayon sa ulat ni Nelson Canlas sa Chika Minute ng 24 Oras, pitong taong gulang na ang grand winner ng Little Miss Philippines ngayon at may special wish daw siya.
 
Aniya, “Pangarap ko po kasi na maging artista."
 
 
Sumali sa Little Miss Philippines si Ryza dahil sa kagustuhan nitong pumasok sa showbiz at maging artista.
 
Noong grand finals ng naturang palabas, nagpasiklab si Ryza sa talent portion at mas lalo niyang napahanga ang mga Dabarkads dahil sa kanyang sagot sa question and answer portion.
 
“Manalo po ako sa Little Miss Philippines," ang sagot ni Ryza sa tanong ni Vic Sotto na ‘Ano ang palagi mong pinagdadasal?’
 
Gayundin, sa kabila ng tagumpay na nakamit ni Ryza, mayroon silang matinding pinagdaanan ng kanyang ina.
 
Dahil sa kakapusan sa pera, nangungutang pa raw ng pamasahe ang kanyang inang si Rissa Dizon upang makapunta sa mga audition sa Quezon City.
 
Gayunpaman, malaki ang pasasalamat ng kanyang ina dahil sa dami ng mga tumutulong sa kanila.
 
Sa katunayan, isa sa mga pinapasalamatan niya ay ang nagbigay ng pink at black na ball gown na suot ni Ryza sa kanyang kaarawan.
 
Pahayag pa ng ina ni Ryza, “Tinanong niya [nagbigay ng gown], ‘Kailangan mo ng gown niyan?’. Sagot ni Ryza, ‘Opo.’ Tapos sabi ‘sige ako nalang ‘yong bahala sa gown mo.’"
 
Niregaluhan ito ng isusuot na gown para sa palabas, dahil kinuwento raw ni Ryza na sumali siya sa Little Miss Philippines. — Mac Macapendeg/RSJ, GMA News