Pamilya Quizon, handa na raw tanggapin ano man ang mangyari kay Dolphy
Nananatiling kritikal ang kondisyon ng Comedy King na si Dolphy sa Makati Medical Center. Ayon sa kanyang anak na si Eric Quizon, umaasa ang kanyang pamilya sa milagro, pero handa na rin sila sa anumang mangyayari sa beteranong aktor. “Right now he’s in and out of consciousness… sa sobrang pag-inom ng gamot, he’s kind of groggy. Pero he responds ‘pag tinatawag namin siyang ‘Daddy,’" pahayag sa media nitong Miyerkules ni Eric, actor-director. Batay na rin umano sa pahayag ng mga duktor, kritikal ang kalagayan ng kanyang ama dahil na rin sa hindi paggana ng maayos ang kanyang kidney. “They didn’t really give us a specific window [of time]. It can happen anytime," paliwanag niya. Dinala si Dolphy sa ospital noong nakaraang Sabado, June 9, dahil sa pulmonya. Dati ng may sakit na Chronic Obstructive Pulmonary Disease (COPD) ang komedyante. Ayon kay Eric, nagamot na ang sakit ng kanyang ama sa pulmonya pero nagkaroon ng komplikasyon sa kidney nito dulot na rin ng mga gamot. “Like I said, he’s very critical but we’re still hoping na makakasama pa namin siya ng matagal pa," patuloy ni Eric. “We’re hoping for a miracle. But at the same time, our family will accept kung ano man ang mangyari sa kanya," dagdag niya. Pamilya, nasa tabi na ni Dolphy Sa hiwalay na panayam ng media, sinabi ng isa pang anak ni Dolphy na si Ronnie Quizon na nasa tabi ng kanyang ama ang mga anak nito na nasa Pilipinas. Nandoon din ang life partner ni Dolphy na si Zsa Zsa Padilla. "'Yung mga andito (sa Pilipinas), andito," aniya. Samantala, ang mga anak na nasa ibang bansa ay tinawagan na nila at ipinakausap sa kanilang ama. "Tinawagan namin sa cellphone, tapos kinausap, dinikit namin yung phone sa taenga," ayon pa kay Eric. May 18 anak si Dolphy mula sa anim na babae. Hindi umano nakapagsasalita si Dolphy dahil may inilagay na tube sa bibig nito. Bukod sa mga kamag-anak, dumalaw na rin umano ang mga malalapit na kaibigan ni Dolphy mula sa showbiz kabilang na sina Maricel Soriano, Charo Santos, Edgar Mortiz, at Smokey Manaloto. Nagtungo rin umano si Father Sonny Ramirez para mag-alay ng dasal para kay Dolphy. - Amanda Lago/FRJimenez, GMA News