Filtered By: Showbiz
Showbiz

Dolphy, kasama sa mga nominado bilang National Artist ngayong 2012 na sinasala ng NCCA


Inihayag ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) nitong Biyernes na kabilang ang veteran actor-comedian na si Dolphy sa mga nominado ngayong taon bilang National Artist. “For the moment, we understand that Mang Dolphy has been nominated and is now undergoing the process of evaluation—along with other noteworthy artists," nakasaad sa pahayag ng NCCA. Muling lumakas ang panawagan mula sa iba’t ibang sektor na hirangin na si Dolphy bilang national artist kasunod ng paglubha ng kalusugan nito. Sa panayam ng showbiz press nitong Biyernes ng gabi, nanawagan din ang si German “Kuya Germs" Moreno sa NCCA na huwag ng patagalin ang paghirang sa kanyang kaibigang si Dolphy bilang national artist. “'Wag naman nating ipagkait ang isang bagay na hindi naman dapat pagtalunan. Kasi proven naman eh. May katibayan naman. Best actor, lahat na nasa kanya. Life achievement award, yun pa," ayon kay Kuya Germs na bumisita kay Dolphy sa ospital. “Sana magising naman sila, matagal na silang tulog eh. Wala ngang tulugan eh," dagdag pa niya. Binigyan-diin ni Kuya Germs na mismong ang publiko ang nananawagan na ipagkaloob kay Dolphy ang naturang pinakamataas na parangal sa mga alagad ng sining. “Sabi nga ng pamilya, ng mga anak, hindi nga yan ang mahalaga sa amin eh. Ang ano yung buhay ng papa namin. San nangagaling ang kahilingan? Sa taong bayan mismo nanggagaling. Nagda-doubt pa sila?" giit niya. Noong 2009, kasama rin si Dolphy sa mga nominado bilang national artist kung saan nakaribal niya sa kategorya ang kapwa artista at direktor na si Manuel Conde. Sa huli, si Conde ang napasama sa listahan ng mga napiling National Artist noong 2009 na naging kontrobersiyal at umabot sa Korte Suprema ang usapin. Sa pahayag ng NCAA nitong Biyernes, ipinaliwanag nila na kung hindi man naibibigay sa ngayon ang naturang pagkilala kay Dolphy, hindi naman nangangahulugan na ayaw nila itong ipagkaloob sa beteranong aktor. “It can be readily seen that the selection of the National Artists is a long process which sometimes takes about two years. That Mang Dolphy has not been awarded the recognition yet does not reflect on the government or the arts sector wanting or not wanting to do so," paliwanag ng NCAA. Una rito, inihayag ni actor-director Eric Quizon, anak ni Dolphy, na ang mahalaga sa kanilang pamilya ngayon ay ang paggaling ng kanilang ama. “Right now, I want my dad’s health to improve. Tsaka nalang natin pag-usapan yung National Artist," aniya. “But if they’re going to give it to him, thank you very much." — FRJ, GMA News