Dolphy, maaari na raw alisin sa ICU sa susunod na linggo
Masayang ibinalita ni Eric Quizon na maaaring alisin na sa Intensive Care Unit (ICU) ng Makati Medical Center sa susunod na linggo at ilipat sa regular room ang ama niyang si Dolphy. Sa pulong balitaan sa MMC nitong Biyernes ng hapon, inihayag ni Eric na nakahinga na sila ng maluwag ngayon dahil sa patuloy na pagbuti ng kalusugan ng comedy king. "Kaming lahat, the whole Quizon family… this is a relief for all of us. Nakakahinga na kami. Nakakasmile na kami. Nakakatawa na kami. Pati 'yung daddy ko, he smiles na rin," ayon kay Eric, actor-director. Mismong ang mga duktor daw ang nagsabi na maaaring ilipat na sa regular na kuwarto si Dolphy. Mahigit dalawang linggo na sa ICU ang 83-anyos na aktor matapos dalhin sa ospital noong Hunyo 9. May sakit na Chronic Obstructive Pulmonary Disease (COPD) si Dolphy. "It is only today that the doctors said that may be next week we can transfer him to a regular room. So, like what I have said, we are taking it one step up at a time… This is all good news," ayon kay Eric. Idinagdag niya na mas nakakausap na nila ngayon ang kaniyang ama at paminsan-minsan ay nagpapahiwatig ito ng pagbibiro sa pamamagitan ng mga facial gesture. "From time to time natutulog pa siya. Although was more awake na siya ngayon. Mas lucid, mas nakaka-usap mo. It started Wednesday night, he became lucid. This time talagang nakikipag-usap na siya. Even during dialysis, even during blood transfusion, nakakapagrelate siya sa amin," paliwanag ni Eric. Gayunman, nananatiling mahina umano ang immune system ni Dolphy kaya madaling kapitan ng sakit. Ito umano ang dahilan kaya kailangang limitahan lamang ang mga bibisita sa kanya kahit mailipat na siya ng kuwarto. Wala naman daw planong malaking selebrasyon sa ngayon ang pamilya lalo na sa nalalapit na kaarawan ni Dolphy sa Hulyo 25. “Usually ‘pag me malaking selebrasyon kami doon siya nagkakasakit," natatawang kwento ni Eric. “"Definitely, we will have something if he goes back home… We have a reason to celebrate," dagdag niya. Hindi rin nakalimutan ni Eric na magpasalamat sa lahat ng mga nagdarasal para sa paggaling ng kanyang ama. Itinuturing nilang milagro ang nagaganap ngayon sa kanyang ama. -- Rouchelle R. Dinglasan/ FRJ, GMA News