GMA stars, pinasaya ang mga Kapuso sa Compostela Valley
Dumagsa ng mga taga-Mawab, Compostela Valley ang Kapuso Night na idinaos sa isang gymnasium doon bilang bahagi ng ika-53 na anibersaryo ng lungsod at ikalawang Pagsandugan Festival. Ayon sa ulat ni Rose Bernales sa Balita Pilipinas nitong Miyerkules, sinabi nito na sobrang saya ng mga tao sa lugar sa ginawang pagbisita ng mga Kapuso star. Dahil bihira daw na mabisita ng artista ang bayan, tiniyak ng mga Kapuso star na masisiyahan ang mga fans sa naturang gabi ng pagtatanghal. Pinakilig ng Starstruck winner na si Steven Silva ang mga dalagita sa kanyang song number sa naturang event. Niyakap naman ni Gabby Eigenmann ang isang masuwerteng dalaga habang hinahandugan niya ito ng isang harana. Hindi naman nagpahuli ang aktres na si Rochelle Pangilinan sa gabing iyon nang ipinamalas niya ang kanyang husay sa pagsayaw. Bukod dito, hindi rin nagpahuli ang Bad Boy of the Dance Floor na si Mark Herras. Sumayaw pa ito ng ‘dougie’ habang tinitilian ng mga babae sa crowd. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News