Dog wonder sa Aso ni San Roque, dating bomb ‘detector’
Kabilang sa main cast sa inaabangang telefantasya ng GMA-7 na Aso ni San Roque ang dating bomb sniffing dog na si Princess, isang mixed breed ng Golden Retriever at English Cocker Spaniel. Gaganap si Princess bilang si Anghel, ang tagapagtanggol ng batang bulag na si Fatima na gagampanan naman ng child wonder na si Mona Louise Rey. Maliban sa naturang fantaserye, nauna nang napanood si Princess sa Cinemalaya entry na "Bwakaw," ayon sa ulat ni Cata Tibayan sa Chika Minute ng 24 Oras nitong Miyerkules. Samantala, maliban sa mga dog trick na kaya nitong gawin, hindi rin daw mahirap turuan si Princess. Dahi katulad ng ibang aso, pagmamahal sa amo ang tanging hangad nito. "Hindi ko sinu-suggest na i-pamper or i-tolerate ang aso. Hindi, eh. So ‘pag may mali ang aso kailangan i-correct mo. Pero ‘pag tama ang aso kailangan mas lots of prize ang ibigay mo," paliwanag ni Ergie Estrella, isang dog trainer. Bukod dito, tuwang-tuwa rin ang isa sa cast ng serye na si Pen Medina dahil napaamo niya ang aso. Wika pa ni Pen, "Tinulungan ako nung trainer na mapaamo sa akin. Nung umamo siya, napapasunod ko kahit papaano." Maging ang aktor na si Gardo Verzosa ay nasisiyayahan kay Princess dahil nagpapaalala ito ng kanyang mga alagang aso. Mapapanood na ang Aso ni San Roque sa GMA Telebabad pagkatapos ng 24 Oras. -- Mac Macapendeg/FRJ GMA NEWS