Ano nga ba ang sikreto sa matagumpay na love team?
Nakasanayan na sa mga pelikulang Pilipino ang mga loveteam. Ito ang sinusundan ng mga manonood at kung minsan ay pinag-aawayan nila depende sa takbo ng pangyayari ng istorya. Ilan sa mga sumisikat na love team ngayon ay binansagang ng pangalan tulad ng “JuliElmo" na pinagsamang Julie Anne San Jose at Elmo Magalona, at “AlKris" nina Aljur Abrenica at Kris Bernal. Marami na ring dumating at nawalang love team sa telebisyon at sa pelikula, ngunit ilan sa mga ito ay patuloy na pumapatok sa panlasang Pilipino. Ngunit ano nga ba ang sikreto ng isang matagumpay na love team? Sa episode ng “PopTalk" nitong Martes, ikinuwento ng mga Kapuso actors na sina Aljur, Elmo at Alden Richards, ang sikreto ng kani-kanilang love team. Para sa Kapuso hunk na si Aljur, patok daw ang love team sa bansa dahil nakakaugnay o nakaka-relate dito ang mga Pinoy at maging sa takbo ng istorya. Samantala, paniwala naman ni Alden, patok ang tambalan nila ni Louise delos Reyes dahil mayroong silang magandang koneksiyon sa isa't-isa. "Siguro po kasi maganda po yong relationship namin on and off cam. At saka wala pong pressure in between parties. Kaya po siguro kami on screen and off screen," paliwanag ni Alden na katambal ni Louise sa high-rating GMA Telebabad drama show na One True Love. Para naman sa tween star na si Elmo, ang dahilan ng matagumpay na tambalan nila ni Julie Anne ay ang tinatawag niyang "go with the flow." "Feeling ko parang ginagawa na namin kung ano ‘yong random lang. Kasi minsan wala kaming pinag-uusapan. Go with the flow lang," saad ni Elmo. Sikat na sikat nga ang JuliElmo tandem. Sa katunayan, halos linggo-linggo ay nagiging trending sa Twitter ang dalawa dahil sa kanilang performance sa Party Pilipinas. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News