Kapuso tween stars, tumanggap ng parangal sa 60th FAMAS 'Gabi ng Parangal'
Pinarangalan ang Tween stars na sina Julie Anne San Jose, Derrick Monasterio, at Kristoffer Martin ng German Moreno Achievement Award sa 60th Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) 'Gabi ng Parangal' na ginanap sa Manila Hotel nitong Martes. Sa ulat ni Mav Gonzales sa Balitanghali nitong Miyerkules, sinabing kamuntik ng hindi makadalo si Julie Anne para tanggapin ang parangal dahil sa pagpanaw ng kanyang lola. Kaya nang tanggapin ang parangal, malugod niya itong inialay sa kanyang namayapang lola. Masaya rin ang matalik na magkaibigang sina Derrick at Kristoffer sa kanilang natanggap na award. Kwento ni Kristoffer: "It's my first time dito sa FAMAS. So galante, bongga-bonggahan ng mga tao. Ako'y nagpapasalamat siyempre kay Kuya Germs kasi ina-acknowledge niya ‘yong mga katulad naming kabataan na bigyan ng ganitong award." "Siyempre 'yong feeling nakakakilabot ganon. Kasi iba, eh, iba po yong naglalakad sa red carpet, iba rin yong may hawak kang trophy. Iba rin yong may speech. Yon yong para sa aming mga artista, yong pinaka resulta ng dugo at pawis namin," ayon naman kay Derrick. Humakot naman ng parangal sa FAMAS ang pelikulang "Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story," kung saan leading lady ang Kapuso star na si Carla Abellana. Tumanggap din ng Special Award bilang Movie Producer ang GMA Films President na si Atty. Annette Gozon-Abrogar. Iniuwi naman ng pelikulang Panday 2 ng GMA Films ang mga parangal na Best Visual Effects, Best sound, Best Art Direction, Best Story, at Best Child Actor Award. Tinanghal naman bilang Hall of Famer ang direktor na si Carlo J. Caparas, na may akda ng kwento ng Panday. "Ang Panday, pinaggugulan ‘yan ng napakahabang panahon [at] napakalaking budget. Sa mga tropeyong kamukha nito, makakramdam ka ng pagkawala, ng hirap, ng paghihintay lalo nang makuha ko itong Hall of Famer," ayon kay Caparas. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News