Ilang Kapuso stars, nakisaya sa mga Dabaweño
Kumanta, sumayaw at sabay na nakisaya sa Kasinatian Festival ng Davao ang Aso ni San Roque stars na sina TJ Trinidad, Ervic Vijandre, Paolo Contis at Rich Asuncion sa kanilang dinagsang mall show.
Maging ang bida ng nasabing primetime telefantasya na si Mona Louise Rey ay hindi nagpahuli sa eksena at nag-perfom ng isang cute dance number para sa fans, ayon sa ulat ni Maxene Magalona sa Chika Minute portion ng "24 Oras" nitong Martes.
Kwento pa ni Mona, kailangan raw tutukan ng mga Kapuso ang palabas na Aso ni San Roque dahil marami pang mga kaabang-abang na eksena sa tungkol sa paglalakbay at buhay ni Fatima.
"Abangan niyo po kung paano madadalaw ng isang bulag ang isang taong kabayo dito," ani Mona.
Sa parehong balita, nakisaya rin ang ilan pang Kapuso stars sa selebrasyon ng Araw ng Santa Cruz sa Davao del Sur.
Kabilang sa mga nagtanghal para sa mga Dabaweño ang mga Kapuso talents na sina Jay-R, Kris Lawrence, Kyla, Rochelle Pangilinan, at ang Mindanao Protégé finalist na si Ruru Madrid. — Mac Macapendeg/KBK, GMA News