Direk Marilou Diaz-Abaya, inihatid na sa huling hantungan
Inihatid na sa huling hantungan nitong Sabado ng umaga sa Loyala Memorial Park sa Paranaque ang mga labi ng namayapang batikang direktor na si Marilou Diaz-Abaya. Sa ulat ni GMA reporter Katrina Sol sa Balitanghali, sinabi nito na nagpaabot ng pasasalamat ang mga naulila ni Direk Marilou sa lahat ng nakiramay sa kanila. Dakong 7:00 a.m. nang ilipat sa Church of the Gesù ang mga labi ng direktor mula sa Gonzaga Hall ng Ateneo de Manila University. Matapos ang isang misa na isinagawa pagkaraan ng isang oras, nagsalita ang anak ni Direk Marilou na si Marc Abaya upang iparating ang kanilang pasasalamat sa mga tumulong at nakiramay sa kanila. Bago ilabas ng simbahan ang mga labi ng direktor, pinalakpakan muna ito ng mga tao na tanda ng pagpupugay sa kanyang mga nagawa nung nabubuhay. Si Direk Marilou ay pumanaw noong Lunes matapos ang ilang taon na pakikipaglaban sa sakit nitong breast cancer. - FRJimenez, GMA News