Alyssa Alano, patuloy na nagpapagaling; 'di na rin kailangang operahan
Sa kabila ng tinamong pinsala sa kinasangkutang aksidente sa kalye, maituturing masuwerte pa rin ang TV host na si Alyssa Alano dahil walang internal organs na tinamaan ang tubo na bumaon sa kanyang balakang. Sa ulat ni GMA reporter JP Soriano sa 24 Oras nitong Martes, sinabing patuloy ang pagbuti ng kalagayan ni Alyssa matapos masangkot sa aksidente sa Marcos highway sa Marikina ang pinapatakbo niyang sasakyan nitong Linggo ng madaling araw. Matatandaan na sinuyod ng sasakyan ni Alyssa ang mga bakal na harang sa gitna ng kalsada at nakahagip din ng ilang sasakyan. Sa lakas ng pagkakabangga, bumaliktad ang kanyang sasakyan at may bakal na lumusok sa sasakya na bumaon sa kanyang balakang. Kung nalihis umano ng kaunti ang tubo na bumaon kay Alyssa, posibleng may lamang-loob o internal organs na tinamaan sa TV host. Sa ngayon, hindi na umano kailangang isailalim sa operasyon si Alyssa pero aabutin ng dalawang linggo bago tuluyang gumaling ang tinamo nitong sugat. Nauna nang itinanggi ng kampo ni Alyssa na nakainom o lasing sa alak ang aktres nang mangyari ang aksidente. Sa ngayon, ang paggaling umano ng host at hindi ang pagkonsulta sa abogado kaugnay sa hindi paggana ng airbag ng sasakyan ang prayoridad ng kampo ni Alyssa. Si Alyssa ay dating miyembro ng Viva hot babes na higit na nakilala sa kanyang Youtube video habang kinakanta ang “Kiss Me." Kasalukuyang siyang host ng showbiz talk show ng GMA 7 na Startalk TX. - FRJimenez, GMA News