Giselle Sanchez, sugatan sa isang jogging accident
Tatlong araw na ang nakalipas mula nang maaksidente at sumaladsad sa latag na bato ang komedyanteng si Giselle Sanchez habang nagja-jogging sa kanilang park. "Nagjo-jogging kasi ako ng mabilis sa park namin, tapos pababa ‘yun, eh may crack ‘yung ano, hindi even ‘yung pavement. Natapilok ako dahil pababa. Talagang sumaladsad ako," kwento ni Giselle sa ulat ni Lhar Santiago sa Chika Minute ng “24 Oras” nitong Martes. Sa booth ni Giselle sa isang Charity Celebrity Bazaar, ikinuwento ng aktres na malalaki at malalalim ang tinamo niyang sugat sa kanyang balikat, kamay at binti. Aniya, "So ‘yung knees ko, siguro dalawang layers ng skin ‘yung natanggal. It was very, very deep tapos ang laki." Dagdag pa ng aktres, ipinagmumukmok raw niya ang nangyaring aksidente at masamang-masama ang kanyang loob noong mga unang araw nito. Wika niya, "Noong napanood ko ‘yung TV, nakita ko si Alyssa Alano na may tumusok na tubo sa ano niya [balakang]. So parang pinag-pray ko na lang siya. Tapos sabi ko 'Lord, parang sorry kung medyo nagalit, nagtampo pa ako sayo na naaksidente ako.'" — Mac Macapendeg/KBK, GMA News