Marian Rivera, tinarayan ni Alessandra de Rossi sa Extra Challenge?
Sa pagbabalik ng mas pinatinding Extra Challenge sa Sabado, October 27, malalaman na kung tinarayan nga ba ng award winning actress na si Alessandra de Rossi ang isa sa mga host ng reality show na si Marian Rivera. Sa interview ni Luane Dy kay Marian Rivera sa 24 Oras nitong Biyernes, kaagad nilinaw ni Marian na magkaibigan sila ni Alex (palayaw ni Alessandra) na kabilang sa unang grupo ng mga celebrity na sasalang sa pagsubok ng Extra Challenge. “Ang balita namin tinarayan kaya ni Alessandra de Rossi dahil hindi niya kinaya ang mga palaka, totoo ba ito?," tanong ni Luane. “Naku, marami kayong mapapanood. Kasi maraming palaka, ipis isinabit, nag-dive… si Alex at ako ay magkaibigan kaya panoorin nila kung talagang tinarayan ako ni Alex," sagot ni Marian. Si Marian ang nagsisilbing tagapagbigay ng suporta sa mga tatanggap ng hamon, habang ang isa pang host ng reality show na si Richard Gutierrez ang magpapaliwanag ng mechanics ng pagsubok. Kasama namang magbibigay ng aliw sa mga manonood ang komedyanteng si Boobay. Inamin din ng Kapuso Primetime Queen na medyo nabigla siya nang maging host ng show dahil hindi raw niya inakala ang matitinding mga hamon na ibinibigay sa mga guest at sa tindi ng preparasyon ng show. Bukod kay Alessandra, sasabak din sa mga challenge sina Dennis Trillo, Kylie Padilla at Rafael Rosell. Sa naunang panayam, sinabi ni Richard na dahil sa tindi ng mga pagsubok ay mayroong guest na napaiyak at kamuntik nang sumuko. Gayunman, nagkakaisa sina Richard at Marian sa pagsasabi na naging palaban at matatag ang unang grupo ng celebrity challengers. Nang tanungin si Marian kung handa rin ba siyang tumanggap ng hamon, sagot ng aktres, tututok muna siya sa hosting pero kung kakailanganin ay paghahandaan niya ito. Mapapanood ang mas pinalakas na Extra Challenge sa Sabado at Linggo sa ganap na 7:30 p.m. – FRJimenez, GMA News