Aga Muhlach at Charlene Gonzales, aapela matapos maalis sa Voters' List ng CamSur
Aapela sa Regional Trial Court (RTC) ng San Jose, Camarines Sur ang mag-asawang Aga Muhlach at Charlene Gonzales matapos silang alisin sa listahan ng mga botante sa nabanggit sa lungsod. Kung mabibigo ang apela ng mag-asawa, mapupurnada na rin ang plano ng aktor na tumakbong kongresista sa ika-apat na distrito ng lalawigan sa darating na May 2013 elections. Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News' 24 Oras nitong Martes, sinabing nitong Oktubre 25 nang nagpalabas ng desisyon ang Municipal Circuit Trial Courts ng San Jose na pabor sa petisyon ng Elections Registration Board ng San Jose. Hiniling ng board na alisin sa listahan ng mga botante sa kanilang lugar sina Aga at Charlene matapos silang magkamali na irehistro ang mag-asawa. Paliwanag ng board, hindi nakamit ng mag-asawa ang six months minimum residency requirement bago ang kanilang pagpapatala bilang botante sa isang lugar na itinatakda sa patakaran ng Commission on Elections. Pero paliwanag ng abogado nina Aga at Charlene na si Atty. Romulo Macalintal, noong pang isang taon nakabili ng property ang mag-asawa sa San Jose at pabalik-balik na doon ang pamilya ng aktor na patunay ng kanilang intensiyon na doon manirahan. Kinuwestiyon niya ang paliwanag ng municipal court na ang naging desisyon nito ay bilang pagtalima sa Comelec rules na bilang bagong botante sa lugar ay hindi umano dapat nagparehistro ang mag-asawa bago ang May 12, 2012. Sinabing Marso 2012 nang magparehistro ang mag-asawang Aga at Charlene sa San Jose. “Kapag ganyan ang magiging desisyon ng Comelec o ng isang korte, delikado ang mga nagparegister noong before May 12, 2012. Maaari silang ma-delist at isa na rito ang dating Pangulong Erap (Joseph Estrada)," ayon kay Macalintal. Si Estrada ay nagpalipat ng rehistro sa Maynila mula sa San Juan bilang paghahanda sa kanyang pagtakbong alkalde ng Maynila sa 2013 elections. “Kung si Pangulong Erap pwedeng magparegister on an earlier date, bakit naman hindi pupuwedeng magparegister on an earlier date si Aga Muhlach?," tanong ni Macalintal. Pero ayon kay Atty. James Jimenez, spokesperson ng Comelec, nagparehistro si Estrada sa Maynila isang taon bago ang nakatakdang halalan sa May 2013. Sa kabila nito, nanindigan si Macalintal na habang nakaapela ang kaso ay nananatiling botante ng San Jose ang mag-asawa at nananatiling kandidato sa pagka-kongresista si Aga. – FRJimenez/KG, GMA News