ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Baron Geisler, ikinalungkot ang panghuhusga sa kanya ng publiko


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Tila pinagkaisahan at agarang hinusgahan daw ng mga tao ang aktor na si Baron Geisler nang makulong siya sa Quezon City Police District Station 5 noong Biyernes dahil sa pananakit umano sa kapitbahay na si Raymundo dela Rosa. Kaya naman nang makalabas siya sa kulungan, masama raw ang pakiramdam at loob nito dahil sa agarang panghuhusga sa kanya ng mga tao. Ayon sa ekslusibong ulat ni Katrina Son sa News To Go nitong Lunes, inamin ni Baron na matagal-tagal na raw ang kanyang depression na nauwi pa sa self-medication. Wika ni Baron, "A little depressed lang. Kinailangan ko talagang magpatingin ulit sa duktor ko kasi it’s been a while, naging overconfident ako dahil parang everything naging positive." "But lately, naging overconfident nga ako dahil ewan ko, kumbaga dahil hindi na ako pumunta doon sa duktor, ‘yun pala nagkamali ako," dagdag nito. Kwento pa ng aktor, matagal na raw silang may alitan ni Dela Rosa kaya nang muling magkaharap noong Biyernes ng gabi ay umabot ito sa sakitan, bagama't iginiit niyang hindi siya lasing nang mangyari ang naturang insidente. "Siguro sumabog na lang talaga kasi minsan pag pumupunta ako doon, ewan ko parang naiinis yata sa akin. Kahit na simpleng bagay lang na bilhin ko, parang hindi maganda ‘yung approach parati," kwento ng aktor. Dagdag pa nito, "So, nag-snap ako. I was having a bad day already tapos ganon pa ‘yung… parang ang dating 'Anong ginagawa mo dito?' So na-blanko lang ako and I got a little, you know, mad." Gayunpaman, nagpapasalamat ang aktor dahil nagkaayos na sila ng kanyang nakaalitan at ayaw na rin daw nitong umabot pa sa demandahan ang nangyari. Pinipilit na rin daw niyang baguhin ang takbo ng kanyang buhay kaya nakikiusap siya sa publiko na sana'y intindihin at bigyan siya ng pagkakataong gawin ito. Samantala, hindi naman daw sanay ang nakaalitan ng aktor na si Dela Rosa ng may kaaway kaya naman noong pinuntahan daw siya ng tiyahin ni Baron upang makipag-ayos ay pumayag na raw ito. Wika pa niya, "Ako naman po ay tao lang. Naintindihan ko po kung ano ‘yung damdamin nila sa nangyari at magkapitbahay po kami kaya nagdesisyon po ako na huwag na lang po ituloy ‘yung ano [reklamo]." Dagdag pa nito, "Kasi ayaw ko rin po na magulo at n’ung nagkausap po kami ni [Baron], humingi po ng patawad si Baron sa akin kaya hindi ko na po itinuloy ‘yung kaso." Sa parehong balita, ipinakita rin ni Baron sa GMA News ang mga sugat na natamo niya sa insidente at pati na rin sa umano’y pambubugbog sa kanya ng kapwa preso sa loob ng detention cell. Gayundin, nilinaw naman ng desk officer on duty ng gabing ikinulong si Baron na ni PO3 Butch Guerrero na wala daw nangyaring pananakit n’ung naikulong ang aktor. Ani Guerrero, "Pero dito po sa amin, wala pong katotohanan ‘yung sinasabi niya na binugbog po siya ng mga preso. Bukod po sa kilala siya at saka pinrotektahan din po siya sa loob." Kung tutuusin pa nga raw ay nagtulong-tulong pa ang mga preso para hindi makuhanan ng video o litrato ng media si Baron. — Mac Macapendeg/KBK, GMA News

Tags: barongeisler,