Miyembro ng Sexbomb dancer, nakabangga ng motorsiklo; 2 sakay, isinugod sa ospital
Sugatan na isinugod sa ospital ang dalawang sakay ng isang motorsiklo na nabangga ng kotseng minamaneho ng isang miyembro ng sikat na grupong Sexbomb dancer sa Quezon City nitong Biyernes ng madaling-araw. Sa ulat ni Oscar Oyda sa GMA news 24 Oras, sinabing nabangga ni Johlan Veluz ang dalawang biktima sa Commonwealth Avenue, Q.C. dakong 4:00 a.m. Ayon kay Johlan, pa-U-turn na siya nang bigla umanong sumulpot ang motorsiklo kaya niya ito nahagip. Madalim din daw sa naturang lugar kaya hindi niya nakita ang mga biktima. Sa lakas ng pagkakabangga, nabasag ang windshield ng kotse ni Johlan at nayupi rin ang kaliwang bahagi ng unahan ng sasakyan. Napasugod din sa lugar ang Sexbomb member na si Aira Bermudez para alalayan si Johlan. Nakahanda naman umano si Johlan na tumulong sa gastusin sa pagpapagamot sa dalawang biktima. Inihayag naman ng isang saksi na sadyang madilim at walang ilaw sa lugar na pinangyarihan ng aksidente. - FRJ, GMA News