Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jillian Ward at Ryzza Mae Dizon, naging malapit dahil sa 'Si Agimat, Si Enteng, at si AKO'


Naging malapit sa isa't-isa ang dalawang Kapuso child stars na sina Jillian Ward at Ryzza Mae Dizon bagamat nakatira sila sa magkaibang mundo sa pelikulang "Si Enteng, Si Agimat, at si AKO."
 
Si Jillian ay nasa sa mundong Amuleto kasama si Agimat (Sen. Bong Revilla) habang si Ryzza naman ay isang duwende sa mundong Diwatara kasama si AKO (Judy Ann Santos). 
 
Ayon sa ulat ni Lhar Santiago sa Chika Minute ng 24 Oras noong Lunes, hanggang ngayon ay sinasariwa pa rin ng dalawa ang una nilang pagkikita.
 
Kwento pa ni Jillian, "Naalala ko po dati nong sinabi niya po sa Eat Bulaga! nong grand finals po [ng Little Miss Philippines], sabi niya, 'Diba ikaw si Luna? Sabi niya bakit 'di raw ako maitim.'"
 
Sagot naman ni Ryzza, "At saka nga po dati, sabi ko sa inyo, idol ko kayo."
 
 
At mula nang maging malapit sa isa't-isa ang dalawan ay marami na silang napag-uusapan tulad ng bagong pinapagawang bahay nila Jillian at ang kanilang mga paboritong cartoon characters.
 
"Sabi po ng mama, ano po, malapit na po siyang magawa. At sabi po niya, yong kwarto ko raw po, pupuniin niya ng favorite kong character na si Hello Kitty," wika ni Jillian.
 
Ang pelikulang "Si Agimat, Si Enteng, at Si AKO" ay official entry sa Metro Manila Film Festival na gaganapin ngayong Disyembre.
 
Makakasama rin nila sa nasabing pelikula sina Vic Sotto, Gwen Zamora, Sam Pinto, Wally Bayola, at Jose Manalo. — Mac Macapendeg/RSJ, GMA News