ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kandidatura ni Aga Muhlach sa CamSur, nanganganib


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nalalagay sa alanganin ang kandidatura ni Aga Muhlach sa pagka-kongresista sa Camarines Sur matapos na katigan ng Regional Trial Court (RTC) ang naunang desisyon ng mababang korte na alisin ang pangalan ng aktor sa listahan ng mga botante ng San Jose City ng nabanggit na lalawigan. Sa ulat ni Kara David sa GMA news 24 Oras nitong Biyernes, sinabing ibinasura ng San Jose RTC ang apela ng kampo ni Aga dahil sa kawalan ng merito. Una rito, nagpalabas ng kautusan ang Municipal Circuit Trial Court ng San Jose na dapat alisin sa listahan ng mga botante si Aga at misis nitong si Charlene dahil hindi nila naabot ang six months residency requirement para maging botante ng nasabing lugar. Kung hindi papayagan si Aga na maging residente ng San Jose, hindi rin siya maaaring tumakbo sa nabanggit na lugar sa 2013 elections. Si Aga ang pambato ng Liberal Party para maging kongresista sa ika-apat na distrito ng Camarines Sur. Sa kabila ng desisyon ng San Jose RTC, iginiit ng abogado ni Aga na tuloy pa rin ang kandidatura ng aktor hanggat hindi pa pinal ang desisyon tungkol sa kanyang kaso. “Tuloy ho laban ni Aga muhlach, wala hong katotohanan ang mga balitang siya ay magwi-withdraw sapagkat ito pong desisyon na ito ay walang katuturan in so far as we're concern," ayon kay Atty. Romulo Macalintal, abogado ng aktor. “Ang desisyong ito ay hindi pa pinal sapagkat anumang desisyon ng Regional Trial Court ay maaaring iapela sa Court of Appeals...bago mag-eleksyon hindi pa matatapos 'yan kaya kapag hindi pa final and executory ang nasabing desisyon, tuloy ang kandidatura ni Aga Muchlach," paliwanag pa ng abogado. Ayon sa ulat, itinuturing ng Comelec na malaking dagok sa kandidatura ni Aga ang desisyon ng RTC. Ang petisyon kontra kay Aga ay inihain umano ng mga mismong residente ng lungsod na masaya sa naging desisyon ng korte. -- FRJimenez, GMA News

Tags: agamuhlach