Filtered By: Showbiz
Showbiz

Dasal para sa batikang kontrabida na si Bella Flores, hiniling ng anak


Dumadaan ngayon sa pagsubok ang batikang kontrabida sa pelikula at telebisyon na si Bella Flores matapos siyang maaksidente at mabali ang balakang. Bukod dito, posibleng mayroon ding Alzheimer's disease ang batikang aktres. Sa ulat ng StarTalk TX nitong Sabado, nakapanayam ni Butch Francisco ang anak ni Bella na siyang humingi ng panalangin para sa mabilis na paggaling ng kanyang ina. Ayon kay Butch, matapos sumailalim sa operasyon para ayusin ang nabali nitong balakang, napansin umano ng anak ng aktres ang pagdeteriorate ng memorya ng kanyang ina. Ang pagkawala ng memorya ay isa umano sa mga palatandaan ng Alzheimer's disease. Kwento ng anak ni Bella, kung minsan ay nakatitig lang ang kanyang ina na tila nag-iisip pero wala namang sinasabi. May insidente rin umano na tinawag ng aktres sa ibang pangalan ang bumibisita nitong kapatid. Ngunit bukod sa pagkawala ng memorya, sinabi ng anak ng aktres na “always in pain" ang kanyang ina. Bagay na nagpapahirap din sa apo ng aktres na makitang nasasaktan ang kanyang lola, na nararamdaman din ng kanyang ina. Nitong nakaraang Pebrero, nakapanayam ni John Lapus para sa Showbiz Central si Bella Flores na nagdiwang noon ng kanyang ika-60 taong anibersaryo sa showbiz. (Panoorin ang video: Ang Tunay Na Bella Flores) Sa naturang panayam, makikita pa ang talas ng memorya ng aktres habang ikinukwento ng kanyang buhay sa showbiz magmula nang siya ay madiskubre. Pero sa naging panayam ni Francisco sa batikang aktres para sa StarTalk, kapansin-pansin na hirap na itong alalahanin ang mga nagawa niyang proyekto maging sa Kapuso Network. Hindi naman itinuturing life threatening ang Alzheimer's disease pero mangangailangan ito ng matagal at mahabang gamutan at pag-aalaga. Gayumpaman, makikita pa rin ang sigla at pag-asa sa mukha ng aktres na muling makalakad at makaarte sa harap ng kamera. "Anytime," tugon ni Flores nang tanungin ni Butch kung kailan siya gagaling. “Wala namang pwedeng pumalit sa akin...Oy! intayin ny'o ko, babalikan ko kayo," dagdag pa ng aktres na itinuturing isa sa mga pinakamahuhusay na kontrabida sa pelikula at telebisyon. - FRJimenez, GMA News
LOADING CONTENT