Kasong isinampa ni Mon Tulfo vs Claudine Barretto, ibinasura ng piskalya
Ibinasura ng Pasay City Prosecutor's Office ang mga kasong isinampa ng broadcast-journalist na si Ramon Tulfo laban sa aktres na si Claudine Barretto. Sa ulat ng GMA news 24 Oras nitong Huwebes, sinabing walang katibayan na naipakita si Tulfo para ituloy ang mga kasong attempted homicide, grave coercion at oral defamation na isinampa nito laban kay Claudine. Ang mga kaso ay kaugnay sa nangyaring rambulan nina Tulfo at aktor na si Raymart Santiago, asawa ni Claudine, na naganap sa Ninoy Aquino International Airport noong Mayo 2012. (Basahin: Raymart, Mon Tulfo in scuffle at NAIA-3) Sa kabila nito, inirekomenda naman ng piskalya na ituloy ang reklamong slight physical injuries at grave coercion laban kay Raymart at sa kaibigan na si Eduardo Atilano. Ikinatuwa umano ng mag-asawang Raymart at Claudine ang desisyon ng piskalya. Samantala, iaapela naman umano ni Tulfo ang nasabing desisyon, ayon sa ulat. -- FRJ, GMA News