Sa kabila ng intriga: Cesar Montano, excited sa kanyang mga plano ngayong 2013
Hindi mababakas kay Cesar Montano kung mayroon mang pinagdadaanan ngayon ang pagsasama nila ng kanyang misis na si Sunshine Cruz dahil sa umano'y baguhang artista na si Krista Miller. Nitong nakaraang mga araw, sunod-sunod ang post ni Sunshine sa social networking site ng ilang pahayag at larawan na may pahiwatig tungkol kina Cesar at Krista. (Basahin: Are Sunshine Cruz and Cesar Montano having marital problems?) Maging ang pinsan ni Sunshine na si Geneva Cruz ay nagpost din ng reaksiyon at patama kay Krista. Sa kanyang Twitter account, hindi naman direktang tumugon si Krista sa mga patama sa kanya pero nag-post ito ng mga pahayag na: "Misinterpretation leads to wrong accusations. God bless!" "Trial lang 'to. Kaya ko 'to. Naniniwala ako malalampasan ko [rin] 'to. Tiis-tiis lang." “Paalam na kahapon, kailangan na ako ng ngayon." Si Krista ay kasama sa bagong pelikula ni Cesar tungkol sa buhay ni Manila Mayor Alfredo Lim na, The Turning Cradle: The Untold Story of Alfredo Lim. Sa ulat ng showbiz talkshow sa GMA-7 na Startalk nitong Sabado, sinabing binisita nila ang shooting ni Cesar pero hindi nakita doon si Krista. Pero si Cesar, masaya at excited naman sa mga plano nitong gawin ngayong taon. Bukod sa buhay ni Mayor Lim, nais daw ni Cesar na gawin ang buhay ng bayani ng Bohol na si Francisco Dagohoy. “Mayroon akong isang pelikula sana na magawa namin, ito talaga ang gusto kong magawa namin this 2013, yung “Francisco Daguhoy: The longest revolt in the Philippines." Ipinaliwanag ni Cesar na umabot sa 100 daang taon ang pakikipaglaban sa mga Kastila at kasama na rin sa mga nanguna rito ay si Dagohoy na isinilang sa Bohol. “Hindi alam ng mga kabataan (ang tagal ng rebolusyon) na dapat magawan natin ng pelikula para mapanood naman (at) malaman ng mga kabataan," dagdag ni Cesar, na gumanap na rin sa pelikula bilang si Jose Rizal at Andres Bonifacio. - FRJ, GMA News