ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Joey De Leon, may birong hirit kay Anne Hathaway


May nakahandang tirada ang entertainment guru na si Joey De Leon kung siya umano ang naka-interview at hindi sinagot ng maayos ng Hollywood star na si Anne Hathaway gaya ng nangyari sa showbiz columnist at TV host na si Ricky Lo. "Alam mo Ricky, mabait ka. Kung ako yun, bubuweltahan ko 'yon...'nagpa-interview ka pa? Ang bruhang 'to, nagpa-interview pa. Dumayo ka pa dito sa Japan, kay layu-layo, tapos 'yan ang isasagot mo?,'" pabirong pahayag ni Joey sa Startalk TX nitong Sabado. Kapwa host ng nasabing showbiz talk show sa GMA7 sina Joey at Ricky, na beteranong Pinoy showbiz columnist. Noong nakaraang linggo ay mainit na pinag-usapan ng netizens ang nasabing panayam ni Ricky kay Hathaway na bida sa Hollywood movie na Les Misarables. Ipinagtanggol din ni Joey si Ricky sa mga bumatikos at pumuna sa paraan ng panayam at mga itinanong ng batikang showbiz columnist. "Si Anne Hathaway po ay isa lang sa more or less 200 Hollywood stars (na nainterview na ni Ricky)...may ikinukumpara pa sa'yong iba, mas matalino, naka-200 (interviews) na kaya 'yon?," tanong ni Joey. Kamakailan ay naglabas na ng kanyang saloobin si Ricky tungkol sa nangyaring interview kung saan ilang ulit na hindi tuwirang sinagot ng Hollywood actress ang kanyang mga tanong. Paniwala ni Ricky, wala sa mood si Anne nang araw na gawin ang panayam noong Disyembre sa Japan. (Basahin: Ricky Lo, nagsalita na tungkol sa naging panayam niya kay Anne Hathaway) Sakabila ng pangyayari, sinabi ni Ricky na handa pa rin niyang kapanayamin si Anne na minsan na rin niyang na-interview noong 2004 para sa pelikulang The Princess Diaries. Mensahe naman ni Ricky sa kanyang mga kritiko at tagasuporta: “Sa lahat ng nag-ano sa 'kin sa internet, pros and cons, peace be with you." - FRJimenez, GMA News