ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Sammy Lagmay, nagpasalamat sa panibagong tulong na natanggap


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagkaayos na ang mga komedyanteng sina Dinky Doo at Sammy Lagmay na nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan dahil sa hinihintay na tulong ng huli para sa kanyang pagpapa-dialysis. Sa ulat ng Startalk TX nitong Sabado, sinabi ni Dinky na nagkita na sila ni Sammy noong nakaraang Sabado matapos siyang makapanayam tungkol sa hinaing ng may sakit na komedyante tungkol sa ipinangako niyang tulong. Reklamo sa nakaraang panayam kay Sammy, pinangakuan siya ni Dinky ng tulong sa pamamagitan ng kikitain sa isinagawa nitong birthday concert noong nakaraang Nobyembre. Ngunit matapos ang concert, wala umanong tulong naipadala sa kanya si Dinky at hindi na rin daw nakipag-ugnayan sa kanya ang komedyante. Pero paliwanag ni Dinky, nagkaroon ng problema ang kanyang konsiyerto matapos hindi bayaran ng isang grupo na kanyang nakausap ang mga kinuhang tiket sa concert. Hindi na umano niya ito ipinaalam kay Sammy dahil na rin sa maselan nitong kalagayan. Sa ulat ng Startalk nitong Sabado, kinumpirma ni Sammy na nagkita na sila ni Dinky matapos na lumabas sa programa ang kanyang saloobin noong nakaraang linggo. "Matapos nating mag-usap, kinagabihan pumunta dito si Dinky at nagpaliwanag. Sabi ko sa kanya, 'ikaw naman kung hindi pa ako lumabas sa TV hindi ka mag-a-attemp na magpaliwanag. Ano ba naman yung sagutin yung tawag ko," kwento ni Sammy. Dagdag pa nito: "Basta pinatawad ko na siya dahil bumawi naman sa mga kasalanan niya...Nagbigay ng sariling wheelchair dahil hindi naman niya ginagamit yun, tapos nag-abot ng panggasolina." Ayon kay Dinky, noon pa niya inialok kay Sammy ang wheelchair na ginamit niya noong nagkasakit din siya. Sakabila ng nangyari, sinabi nito na hindi siya titigil sa pagtulong sa mga kapwa niya komedyante na may sakit. Katunayan, nang makausap niya ang isang taga-Wish Ko Lang, inirekomenda umano niya kaagad si Sammy na tulungan. Kinumpirma naman ni Sammy ang pagpunta sa kanya ang programang Wish Ko Lang ng GMA-7 at napagsama-sama nito ang mga kaibigan at dati niyang nakasama sa showbiz. Sa tulong na naibigay ng programa at mga dating kasama sa showbiz, sinabi ni Sammy na nadugtungan muli ang kanyang buhay dahil makakapagpa-dialysis muli siya. Sa kabila ng kondisyon ng kalusugan, nagawa pa rin ni Sammy na magbiro nang sabihin nito na hindi siya natuwa sa ginawa sa kanya ng Wish Ko Lang. "Hindi ako masaya, naiyak nga ako," pahapyaw na sagot ni Sammy. Nang tanungin kung bakit siya naiyak, sagot ng dating komedyante, "sa sobrang saya." Dahil sa kanyang sakit, nawala na rin ang paningin ni Sammy na sumikat noon sa mga TV sitcom. -- FRJimenez, GMA News