Pagiging daddy, wake-up call daw kay Sid Lucero para seryosohin ang trabaho
Aminado ang Kapuso actor na si Sid Lucero na naging pabaya siya sa trabaho noon. Pero nag-iba na raw ito lalo pa ngayon na magiging tatay na siya. Sa ulat ng GMA news Unang Balita nitong Biyernes, excited na ikinuwento ni Sid na five months pregnant na ang kanyang girlfriend. Babae raw ang magiging unang baby nila. Dagdag ng aktor, insipirasyon niya ang magiging anak nila para lalo pang pagbutihan ang kanyang trabaho. Sinabi ni Sid na lalo niyang bibigyan ng respeto ang kanyang trabaho na hindi niya lubos na pinapahalagahan noon. "I have to respect it a lot more because it's not about me anymore," aniya. Tingin pa ni Sid, mensahe ito sa kanya ng Diyos na "to grow up" at magseryoso na sa trabaho. Makakasama si Sid sa next teleserye na Love and Lies sina Richard Gutierrez at Paolo Contis kung saan gaganap sila sa karakter bilang miyembro ng Navy Seals. - FRJ, GMA News