Heart Evangelista, inaming tutol ang kanyang mga magulang kay Sen. Chiz
Direktang inamin na ng Kapuso actress na si Heart Evangelista na nobyo na niya si Senador Francis Escudero, bagay na tinututulan naman ng kanyang mga magulang. Sa exclusive interview ni showbiz reporter Lhar Santiago para sa Chika Minute ng 24 Oras nitong Martes, inamin ni Heart na mayroon silang hindi pagkakaunawaan ng kanyang mga magulang dahil sa pakikipagrelasyon niya kay Escudero. Hindi naman daw ito ang unang pagkakataon na humadlang ng kanyang mga magulang tungkol sa kanyang buhay-pag-ibig. Nabanggit ng aktres ang naging relasyon nila noon ng aktor na si Jericho Rosales. "At that time I'm very young kaya nagparaya ako. I thought I could make my parents happy... I understand na that you know they just want the best for me and very protective," ayon kay Heart. Pero ngayong 28-taong-gulang na, sinabi ni Heart na nasa tamang edad na siya para pumili kung sino ang taong kanyang mamamahalin. "Nahihiya lang ako sa boyfriend ko kay Chiz saka yung family niya, wala naman silang ipinakitang masama sa akin, napakabait nila tapos nagkaroon pa ng mga kasinungalingan, mga paninirang ganyan," dagdag ng aktres. Giit ni Heart, masaya siya sa piling ni Escudero at naniniwala siyang lalong titibay ang kanilang relasyon sa pinagdadanan nilang pagsubok ngayon, 'Layuan mo si Heart' Sa isang pulong balitaan, iginiit ng mga magulang ni Heart na sina Cecile at Rey Ongpauco, na hindi maayos ang pagtrato umano ni Escudero sa kanilang anak. Sinisigawan daw ng senador si Heart at minamanipula para bumaliktad sa kanila. May pagkakataon din umano na binabastos sila ni Escudero at minsan na rin daw humarap sa kanila ang senador na amoy alak. Iginiit ng mag-asawa na nais lamang nilang protektahan ang kanilang anak, kasabay ng panawagan sa senador na layuan na si Heart. Tumanggi naman si Escudero na magbigay ng pahayag tungkol sa mga akusasyon ng magulang ni Heart at iginiit na hindi siya "showbiz" na tao. "Ayaw kong manghimasok sa hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng anak at ng kanyang mga magulang," simpleng pahayag ng senador. Si Escudero ay hiwalay sa kanyang asawa at mayroong anak na kambal. -- FRJimenez, GMA News