James Yap, napaiyak sa bagong away nila ni Kris Aquino
Hindi napigilan ng basketball star na si James Yap na mapaiyak nang magbigay ng pahayag tungkol sa panibagong legal na usapin na isinampa sa kanya ng dati niyang misis na si Kris Aquino. Sa ipinalabas na Temporary Protection Order (TPO) ng korte na hiningi ni Kris, hindi muna maaaring bisitahin at lapitan ni James ang kanyang dating asawa at anak nila na si Bimby. Basahin: Kris Aquino files temporary protection order against ex-husband James Yap Sa Chika Minute ng GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing nakasaad sa petisyon ni Kris na nilabanan niya ang "advances" ng dating mister nang magpunta ito sa kanilang bahay nang bisitahin si Bimby noong Disyembre. Ang naturang sitwasyon ay nauwi umano sa pagtatalo na nasaksihan ng kanilang anak na nagtanim na umano ng galit at takot sa ama. "Biruan lang" Ayon kay James, hindi niya inakala na mauuwi sa panibagong reklamo at ilalayo sa kanya ang anak nang magbiro siya na nais niyang halikan ang dating asawa. Kwento ng basketbolista, nais lang niyang halikan si Bimby nang patapos na ang kanyang visiting hours pero tumanggi ang bata. Ayaw umano siyang halikan ng anak sa harap ni Kris kaya biniro niya ang bata na ang mommy na lang niya (si Kris) ang kanyang hahalikan. Sa paghawak umano niya sa braso ni Kris, sinabi ni James na biglang nagreklamo ang TV host-actress na nasasaktan siya na nadinig ng kanilang anak. Paniwala pa ni James, sinisiraan siya ni Kris sa kanilang anak para lumayo ang loob nito sa kanya. "As a tatay sobrang nasasaktan ako dahil sinasabihan ako ng anak ko na 'I don't like you you're a liar.' Iniisip ko ano bang ginawa ko, wala naman akong ginawa. Tapos tinatanong ko, 'sino nagsasa(bi).. sino nagtuturo sa'yo, sino nagsasabi sa'yo?, 'mama, mama,'" kwento ni James. Patuloy pa ng basketball star, ipinaalala rin umano sa kanya ni Kris na tatlong taon pa sa puwesto ang kanyang kapatid, na patungkol kay Pangulong Benigno Aquino III . "Sabi n'ya tingnan mo na'san na mga 'ex' ko ngayon, wala nang mga career... Umiyak lang ako sa TV, maniniwala na ang tao," ayon kay James. "Hindi totoo" Kaagad namang pinabulaanan ng abogado ni Kris ang mga paratang ni James, maging ang paggamit umano ng TV host-actress sa pangalan ni Pangulong Aquino. Ayon kay Frank Chavez, kinausap niya si Kris at iginiit nito wala umano siyang ginawang pagbabanta kay James tungkol sa tatlong taon pa sa pwesto ni PNoy. Hindi rin umano totoo na sinisiraan ni Kris si James sa kanilang anak na si Bimby. Nagalit umano ang bata nang makitang sinasaktan ng ama ang kanyang ina, patuloy ni Chavez. Hinala ni Chavez, may kinalaman sa pera ang mga pangyayari na patungkol sa naging kasunduan ng mag-asawa nang pawalang-bisa ang kanilang kasal. Ang naturang hinala ni Chavez ay mariing pinabulaanan at binatikos naman ni Atty. Lorna Kapunan, abogado ni James. -- FRJimenez, GMA News