Christian Bautista, Kapuso na!
Kapuso na si Christian Bautista matapos pumirma ng three-year contract sa GMA Network nitong Miyerkules. Simula sa darating na Linggo, mapapanood siya sa musical-variety show na Party Pilipinas kung saan makakasama niya ang ex-girlfriend na si Rachelle Ann Go. Sa ulat ni Aubrey Carampel sa Chika Minute ng 24 Oras nitong Miyerkules ng gabi, sinabi nito na present sa contract signing sina GMA Chairman and Chief Executive Officer Atty. Felipe L. Gozon; GMA President and Chief Operating Officer Gilberto R. Duavit, Jr.; GMA Entertainment TV's Officer-in-Charge Lilybeth G. Rasonable; at si Carlo Orosa, manager ni Christian. Ayon kay Christian, excited na siyang magtrabaho bilang Kapuso lalo pa't naramdaman niya ang mainit na pagtanggap sa kanya sa GMA. “It’s wonderful. Bagong taon, bagong makakatrabaho at bagong bahay. I feel very welcomed and very honored na nandito na ako ngayon. With all the projects I’m doing, it’s gonna be fun,” pahayag niya. Sambit naman ni Atty. Gozon: "Very welcome si Christian...narinig ko nang kumanta 'yan. He's really very good." "Sisiguraduhin natin na ang kanyang husay at kakayahan ay mas lalong maipararating hindi lamang sa kanyang mga tagahanga kundi sa lahat ng ating mga Kapuso," deklara naman ni Mr Duavit. Bukod sa mga Kapuso artists, excited na rin umano si Christian na makatrabahong muli ang kanyang ex-girlfriend na si Rachelle Ann at ang kaibigang si Mark Bautista. Maliban sa pagkanta, mapapanood ding umarte si Christian at isa sa mga nais daw niyang makatambal ay ang Kapuso primetime queen na si Marian Rivera. - FRJ, GMA News