ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Para 'di mailabas ng bansa si Bimby: James Yap, maghahain ng HDO vs Kris Aquino


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Balak ng kampo ng PBA player na si James Yap na maghain ng Hold-Departure Order (HDO) laban sa dati niyang asawa na si Kris Aquino upang hindi nito maisama sa abroad ang kanilang anak na si Bimby.
 
Bukod dito, naghain na rin ng oposisyon ang kampo ni James sa Temporary Protection Order (TPO) na ipinalabas ng mababang korte na hiningi ni Kris.
 
Nakasaad sa TPO na bawal lapitan ng basketbolista ang kanilang anak, si Kris, at maging ang mga kasambahay ng TV host-actress sa loob ng 30 na araw.
 
Basahin: Kris Aquino files temporary protection order against ex-husband James Yap
 
Sa panayam nitong Miyerkules, naging emosyonal at napaiyak si James nang itinanggi nito ang paratang ni Kris na sinaktan niya ang dating asawa at nagparamdam ng "advances" na nakita ng kanilang anak nang dumalaw siya bahay ng controversial celebrity noong Disyembre 2012. 
 
Kwento ng basketbolista sa ulat ng GMA News: "One time pumasok si Bimby sa room niya, tapos pumasok din ako, tapos pagpasok kong gano'n, nandoon siya tapos magpapaalam na sana akong umalis, sabi ko 'Bimb, kiss mo na si Papa kasi aalis na,' sinabi ni Bimby 'I don't like!'"
 
Patuloy pa ni James: "Tapos ako naman sinabi ko, 'Bimb, 'pag hindi mo i-kiss si Papa, iki-kiss ko si Mama.' Tapos ang reaction ni Kris, 'Yuck! Yuck!' Tapos lumapit ako kay Kris, hinawakan ko siya dito (sa braso), hinawakan ko siya, paghawak ko sabi ko, 'Bimb look, oh, iki-kiss ko na Mama mo.' Tapos si Kris, 'sinasaktan mo ako! You're hurting me.' Tapos siyempre 'yong bata, akala talaga sinasaktan siya."
 
Basahin: James Yap, napaiyak sa bagong away nila ni Kris Aquino
 


"Wala nang pakialam kay Kris"

Iginiit ni James na wala na siyang pakialam sa dating asawa at ang anak na lamang na si Bimby ang mahalaga sa kanya.
 
 "Wala naman na akong pakialam kay Kris, eh, ang gusto ko lang makasama 'yong anak ko. Bakit niya ako sinisiraan ng anak ko," hinanakit niya.
 
"Baby James o Bimby, ginagawa ko 'to dahil love na love kita. So, gusto ko lang ipaabot sa'yo na ipinaglaban kita," ayon pa kay James.
 
Sa hiwalay na panayam sa Unang Balita ni Arnold Clavio nitong Huwebes, binuweltahan ni Atty. Lorna Kapunan, abogado ni James, ang pahayag ng abogado ni Kris na si Atty. Frank Chavez na pera ang posibleng ugat ng panibagong kontrobersiya sa mag-asawa.
 
Ang tinutukoy ni Chavez ay ang pagkaka-hold umano ng ibinibigay na tseke kay James na bahagi ng kasunduan ng mag-asawa nang magdesisyon silang maghiwalay.
 
"Si James was so shock and very hurt dahil hindi totoo 'yon, and if Frank [Chavez] is listening on the line, I think he should get his facts straight," payo ni Kapunan.
 
Kinuwestiyon din ni Kapunan kung bakit ngayon lamang naghain ng reklamo Kris gayong tatlong buwan na ang nakalipas mula nang nangyari ang sinasabing pambabastos sa kanya ni James.
 
"The place is surrounded by personal security guards, the condominium has security guards and if it really was a physical or sexual abuse, bakti hindi siya nag-complain? That was three months ago. Bakit siya nag-complain last week lang kung totoo man yon," dagdag ng abogada.
 
Payo kay Kapunan, inabuso ng kampo ni Kris ang R.A. 9262 o Anti-Violence Against Women And Their Children Act sa nasabing usapin. 

Nauna nang itinanggi ni Chavez ang pahayag ni James na sinisiraan ni Kris ang basketbolista sa kanilang anak. Maging ang alegasyon ng PBA player na tila ipinanakot ng kanyang kliyente ang kapatid nitong pangulo na si Pangulong Benigno Aquino III.
 
Pitong taong naging mag-asawa sina Kris at James, at natapos ito noong 2012 nang ideklara ng korte na null and void ang kanilang kasal dahil walang kapangyarihan ang Lady Minister na nagkasal sa kanila. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News