ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Heart Evangelista, naglayas, ayon sa mga magulang ng aktres


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inihayag nina Rey at Cecile Ongpauco na labis silang nag-aalala sa kanilang anak na si Heart Evangelista dahil umalis na ito ng kanilang bahay noong Sabado at hindi nila alam kung ito tumutuloy ngayon. Sinabi ni G. Ongpauco sa ulat ni Nelson Canlas sa Balitanghali nitong Huwebes na, "Mas kakampi pa niya ang ibang tao kaysa magulang... 'di ba it's always like, dapat always ang parent ang una." Naniniwala sila na ang pag-alis ng kanilang anak ay bungsod ng kanilang pagtutol sa pakikipagrelasyon ng aktres kay Senator Chiz Escudero. Aminado ang mag-asawang Ongpauco na hindi nila gusto si Escudero dahil mayroon umano itong masamang ugali, tulad ng pagiging bastos umano at pag-inom (ng alak). Kwento ni Gng. Ongpauco,  minsan ay dumating ang senador sa kanilang bahay na amoy alak para magpakilala sana sa kanila. "Dumating siya doon for the very first time, nakasalampak siya doon [sa upuan] amoy na amoy 'yong alak at parang nakakatakot, nakakabastos," pahayag ni Gng. Ongpauco. Dagdag naman ni G. Ongpauco, "Ang tao 'pag bastos sa magulang... ay lalo na 'yong anak ko, kawawa naman 'yon, balang-araw kawawa naman 'yon, baka anong mangyari doon. Hindi ako nagagandahan sa ugali niya." Minsan na rin umanong nagsumbong sa kanila ang kanilang kasambahay dahil sa ginawang pagsigaw umano ni Escudero sa kanilang anak. "'Yong anak ko binubulyawan doon sa itaas, sinisigawan, lasing. At 'yong bata naman, duwag naman 'yong anak ko na 'yon, eh, umiiyak lang nandoon. Nakita kung anong pagkatao niya? Respeto lang, nandoon pa siya sa lugar namin," dagdag pa niya. Apela ng mag-asawa kay Escudero, hiwalayan muna nito ang kanilang anak upang maayos nila ang problema nilang pamilya. "Nag-aapela kami kay Mr. Escudero, kung maaari iwanan muna niya ang anak namin para medyo magpalamig ng konti," pakiusap ni Gng. Ongpauco. Aminado naman sila na hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan ng anak dahil sa pag-ibig. Gayunman, ngayon lang umano umabot sa ganito katindi ang kanilang pagtatalo. Ayon kay Mr. Ongpauco, minsan na rin siyang sinabihan ng anak na: "Dad, sana naman kung magkamali ako sa buhay ko ngayon, magkamali ako ng pagpili, huwag niyo naman ako itakwil." Escudero, pumalag na Sa isang pahayag nitong Huwebes, pinabulaanan ni Escudero ang mga pahayag laban sa kanya ng mga magulang ni Heart. Inamin ng mambabatas na nasasaktan siya at nadadamay ang kanyang pamilya sa ginagawang pambabatikos sa kanya ng mga magulang ni Heart. "Hindi na tama yung ginagawa nila sa akin eh. Hindi na rin tama yung ginagawa nila sa amin, hindi na rin tama yung ginagawa nila sa anak nila. Tatay din ako, parent din ako, mahal ko rin ang mga anak ko pero hindi ako mandadamay, mananakit at maninira ng kapwa sa ngalan ng pagmamahal ko sa anak ko," ayon sa senador. Dagdag pa niya, ang hangarin ng mga magulang ni Heart na paghiwalayin sila ay nakasalalay mismo sa aktres at wala sa kanila. Basahin: Chiz to Ongpaucos: You have no right to hurt me, my family " Nakakalungkot na kailangan mangyari  'to pero maliwanag naman, lahat ng sinasabi at ginawa, lahat ng sasabihin pa at gagawin nung malalapit sa kanya," aniy Escudero. "Iisa lang ang rason, mapaghiwalay kami. Pero hindi po nila desisyon yan, hindi ko po desisyon yan, desisyon lamang ni Heart 'yan." - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News