Filtered By: Showbiz
Showbiz

Pag-amin ni Raymart Santiago: 'Hindi rin naman tayo perpektong tao'


Bilang isang padre de pamilya, nakakaugnay raw ang aktor na si Raymart Santiago sa kanyang ginampanang papel sa bagong fantasy-adventure teleserye ng GMA-7 na "Home Sweet Home."    Gagampanan ni Raymart ang papel sa serye bilang si Reden, ang padre de pamilya ng Kaharian family, na guguluhin ng mga multo.  Ang aktres na si Roxanne Guinoo naman ang gaganap bilang asawa ng aktor.   Sa katunayan, kinonsulta pa ni Raymart ang mga anak niya na sina Sabina at Santino upang alamin kung ano ang gusto nilang makita sa kanyang papel.   "Ang totoo niyan, habang binubuo itong storya na 'to, tumulong din sila [Sabina at Santino] sa pag-conceptualize. Tinanong ko sa kanila kung anong mga gusto nilang mapanood, 'yon tumulong sila, sinulat nila sa notepad [at] ibinigay ko sa writers," pahayag ng aktor sa ulat ni Aubrey Carampel sa Chika Minute ng 24 Oras noong Miyerkules.   Tinanong na rin ng GMA News at iba pang press kay Raymart tungkol sa kanyang sariling pamilya.  Hindi naman niya itinanggi na dumaan sila sa mga pagsubok.   "Hindi rin naman tayo perpektong tao... Nandiyan pa rin ang nagsisimba kami, hindi pa rin namin nakakalimutan ang Diyos pero may mga pagsubok, di ba? Pero nandoon pa rin, dasal," tugon niya.   Noong nakaraang taon, napasok sa gulo ang mag-asawang Claudine at Raymart laban sa kolumnistang si Mon Tulfo sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.   Ang nasabing gulo ay nauwi sa demandahan.   Samantala, makakasama ni Raymart sa "Home Sweet Home" sina Jake Vargas, Bea Binene, Gladys Reyes, Arkin Magalona, Arthur Solinap, Rochelle Pangilinan, Celia Rodriguez, at Jillian Ward. Mapapanood na ito sa Abril 22, 2013 bago mag-24 Oras.- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News