Hayden Kho Jr., nagsalita na rin sa aksidenteng pagkikita nila ni Kris Lawrence
Nagsalita na rin si Hayden Kho Jr. tungkol sa aksidenteng pagkikita nila ni Kris Lawrence na partner ngayon ng kanyang ex-girlfriend na si Katrina Halili. Sa ulat ng GMA News TVs Balitanghali nitong Biyernes, tinawag ni Hayden na gentleman si Kris dahil sa pagiging propesyunal nito at kinamayan siya nang magkita sila sa isang event kamakailan. Guest singer sa event si Kris habang judge naman si Hayden. Nauna nang ikinuwento ni Kris na hindi niya alam na nasa event din si Hayden nang sandaling iyon. Nang kakamayan na umano niya ang mga tao sa lugar ay nakita niyang nandoon din ang dating nobyo ni Katrina. Basahin: Kris Lawrence on accidental encounter with Hayden Kho: 'Gusto ko siyang sapakin' Wala na umano siyang nagawa kundi ang maging propesyunal at batiin na rin si Hayden. Ikinatuwa naman ni Hayden ang ginawa ni Kris na positibong indikasyon umano na nakakausad na silang mga nasangkot sa iskandalong nangyari sa kanila noon ni Katrina. May anak na ngayon sina Kris at Katrina na si baby Katrence. - FRJImenez, GMA News