Selebrasyon ng 50th year anniversary sa showbiz ni Kuya Germs, star studded
Nagtipon-tipon ang mga beterano at baguhang artista sa selebrasyon ng Golden Anniversary sa showbiz ng nag-iisang "Master Showman" na si German "Kuya Germs" Moreno nitong Miyerkules ng gabi. Sa ulat ni Aubrey Carampel sa "Chika Minute" ng GMA news 24 Oras, sinabi nito na nakalagay sa lobby ng Newport Performing Arts Theater sa Resorts World Manila ang mga memorabilia ni Kuya Germs. Makikita dito ang mga larawan at parangal na natanggap ni Kuya Germs sa loob ng 50 taon niya sa showbiz. Bago sumikat at nakilalang "Master Showman," nagsimula si Kuya Germs bilang janitor sa isang teatro sa Maynila na kailanman ay hindi niya itinanggi. Kabilang sa mga celebrity na rumampa sa red carpet ay sina Glaiza de Castro, Chef Boy Logro, mga anak-anakan niya sa dating teen show na That's Entertainment na sina Sherly Cruz, Jojo Alejar, Monching Gutierrez, at Chuckie Dreyfus. Nakita rin sina Susan Roces, Marian Rivera, Dingdong Dantes, Jean Garcia, Rochelle Pangilinan, Ryzza Mae dizon, Jackie Lou Blanco, at marami pang iba. Sa pagpapatuloy ng selebrasyon, maging ang ilang artista mula sa ibang network ay inaasahang darating para personal na batiin si Kuya Germs. - FRJImenez, GMA News