Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ilang showbiz personalities, nangunguna sa unofficial count ng Comelec


Ilang showbiz personalities na tumakbo ngayong halalan ang nangunguna sa partial at unofficial count  ng Commission on Elections (Comelec).    Sa Quezon City, malaki ang kalamangan ni re-electionist  Mayor Herbert Bautista sa kanyang mga katunggali.   Nakatanggap si Bautista ng 191,101 boto kontra sa 19,270 boto ng malayong pumapangalawa na si Johnny Chang.  Ito ay batay sa 22.13% ng Nationwide Election Returns.   Malaki rin ang kalamangan ni re-electionist  Batangas governor Vilma Santos-Recto sa pumapangalawang si Marcos Mandanas.   Batay sa 34.82% ng Batangas Election Returns, nakakuha na si Gov. Vilma ng  295,255 boto, kontra sa 18,781 boto ni Mandanas.   Lumalamang din sa labanan sa pagka-gobernador ng Laguna si re-electionist Gov. Jeorge "ER" Ejercito.   Batay sa 25.87% ng Laguna Election Returns, mayroon ng 140, 613 boto si ER laban sa 126,759 boto ni San Luis.    Sa pagka-kongresista sa ikalimang distrito ng Quezon City, nakakuha ng 18,083 boto si Alfred Vargas, kontra sa pumapangalawang si Annie Rosa Susano na may 6,669 boto. Ito ay batay sa 22.13% ng NCR Election Returns.   Bahagyang nakalalamang din ang aktor na si Aga Muhlach sa labanan ng pagka-kongresista sa ika-apat na distrito ng Camarines Sur.   Batay sa 30.5% ng Election Returns, nakakuha si Aga ng 21,296  boto laban sa 18,357 boto ni Wimpy Fuentabella. Samantala sa labanan sa Maynila, batay sa 80% NCR Election Returns, nakalalamang si dating pangulong Joseph Estrada laban kay incumbent mayor Alfredo Lim. Mayroong 163,018 boto si Erap, kontra sa 150, 434 boto ni Lim. Lamang din ang running-mate ni Erap sa pagka-bise alkalde na si Isko Moreno (Damagoso), na may 186,633 boto, laban sa 115,933 boto ng kapwa aktor na si Lou Veloso na katambal naman ni Lim. Sa lalawigan ng Bulacan, nagtala rin ng napakalaking kalamangan ang aktor at re-electionist vice governor na si Daniel Fernando. Batay sa 40.11% ng Bulacan election returns, nakakuha na si Daniel ng 366,166 boto laban sa sumusunod sa kanyang kandidato na si Josie Lopez. Ang mga nasabing boto ay pawang partial at unofficial pa lamang. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News
Tags: eleksyon2013