Annabelle Rama, namimiligrong mabigo sa unang sabak sa pulitika sa Cebu
Hindi pumapabor sa kontrobersiyal na talent manager na si Annabelle Rama ang lumalabas na resulta ng bilangan sa Cebu City kung saan tumakbo siyang kongresista sa unang distrito. Batay sa 38.46% ng partial at unofficial result ng Cebu Election Returns, nakakuha pa lamang si Annabelle ng 27,294 boto, kumpara sa nangungunang si Raul V. del Mar, na mayroong 97,849 boto. Kilalang angkan ng pulitiko sa Cebu ang mga del Mar. Ang nakatunggali ni Annabelle na si Raul ay naupong kongresista mula pa noong 1992 hanggang 1998, at muli noong 2001 hanggang 2010. Habang hindi nakapuwesto sa Kongreso, ang mga anak ni Raul ang nananalong kongresista gaya ni Raoul na mula 1998 hanggang 2001, at si Rachel na 2010 hanggang 2013. Kasunod ng lumalabas na paunang resulta ng bilangan, inihayag ng anak ni Annabelle na si Raymond Gutierrez, na ang pagtakbo ng kanyang ina ay naging daan upang lalong maging malapit sila bilang pamilya.
Nitong Lunes ng umaga, bumoto si Annabelle kasama ang kanyang buong pamilya. Imelda Papin, tagilid din sa Bulacan Sa Bulacan, naghahabol din ng malaking boto sa pagka-kongresista ang singer na si Imelda Papin na tumakbong kongresista sa San Jose Del Monte. Batay sa partial unofficial tally na kumakatawan sa 67.23% of Election Returns sa SJDM City, nakakuha ang nangungunang si Arthur Robes ng 53,204 boto, kontra sa pumapangalawang si Imelda na 26,789 boto. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA NewsThis whole experience brought us closer as a family. Everything has a purpose. — Raymond Gutierrez (@mondgutierrez) May 13, 2013